Gobyerno bawasan sana itong pabigat sa OFWs
PUWEDE bang maaasahan ang gobyerno na paga-anin ang pasanin ng mga overseas workers at medical screeners nila?
Nu’ng nakaraang buwan nagpataw ang Malaysia ng bagong alituntunin sa mga Pilipino na nais magtrabaho doon. Kailangan na raw ng biometrics ng trabahador, kaya dapat ma-fingerprint sila online. Pinatawag ng Malaysian ambassador ang opisyales ng samahan ng medical screeners, at ipinakilala sa kanila ang Malaysian systems supplier na Bestinet.
Inoobliga ng Malaysia na bumili bawat isang medical screening clinic ng software ng Bestinet, sa halagang $8,000 (P344,000), miski wala silang kinalaman sa biometrics testing ng Malaysia sa airports. Dapat din magbayad ang bawat job applicant ng processing fee ng Bestinet, $15 (P645).
Malulugi ang negosyo ng medical screeners sa forced selling ng Malaysian software at services. Ito’y dahil madami sila, 170 clinics, na nagse-service ng iilang lang, 11,000 manggagawa, patungong Malaysia kada taon, batay sa records ng Philippine Overseas Employment Administration.
Pinag-uusapan na rin lang ang medical screeners, matanong nga ang gobyerno: Bakit 15 lang sa 170 clinics ang accredited na mag-screen sa mahigit isang milyong trabahador sa Saudi Arabia at mga karatig-bansa? Sino-sino sa Department of Labor and Employment at Department of Health ang may pakana ng monopolyong ito, at sa magkanong halaga?
Napaka-bulok ng burokrasya. Kung ano-ano’ng pagkikitaan mula sa OFWs ang pinapa-kana.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest