Editoryal - Wala pa ring solusyon sa baha
PUMASOK na ang tag-ulan. Maski hindi sabihin o ihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na pumasok na ang tag-ulan, makikita na ang palatandaan sa madilim na papawirin, pagkulog at pagkidlat at malalakas na pag-ulan sa dakong hapon at gabi. May pumasok na ring bagyo na tinawag na “Danteâ€. Mula pa noong Sabado ay panay na panay na ang pagbuhos ng ulan lalo sa dakong gabi. Ang pag-ulan ang nagdulot ng pagbaha.
Noong Martes ng gabi ay bumaha sa maraming lugar sa Maynila, partikular ang Sampaloc area. Bumaha rin sa Araneta Ave. Quezon City. Maraming empleado at estudyante ang na-stranded. Hindi naman gaanong malakas ang ulan subalit iglap lang at naging dagat-dagatan na naman ang maraming kalye. Naranasan na naman ang problemang baha!
Matagal nang problema ang pagbaha sa Metro Manila at tila wala nang solusyon na magawa ang pamahalaan ukol dito. Ang nakapagtataka, la-ging sinasabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsagawa na sila nang paglilinis sa mga imburnal o drainage na karaniwang nababarahan ng mga plastic na bagay, pero bakit narito pa rin ang problema. Sa kaunting pagbuhos ng ulan, agad nagiging dagat ang mga kalsada at hindi madaanan ng mga light vehicles.
Kung nilinis ng DPWH ang mga drainage bakit may pagbaha pa rin at mas lalo pang lumalala. Barado pa rin ang daluyan ng tubig?
Maski ang Metro Manila Development Autho-rity (MMDA) ay nagsabing natapos na nila ang paglilinis sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig. Mino-monitor daw nila ang mga lugar na laging may pagbaha.
Hindi sapat ang mga ginawang paglilinis sa mga imburnal, canal at estero. Malaki ang aming hinala na maraming plastic na nakabara kaya matagal bago humupa o bumaba ang baha. Marami pa ring nagtatapon ng mga plastic kaya walang katapusan ang problema sa baha.
Hindi matatapos ang problema sa baha kung hindi magpapakita ng “ngipin†ang DPWH at MMDA sa mga taong walang disiplinang nagtatapon ng basura. Ipakita ng dalawang ahensiya na kaya nilang sawatain ang mga taong nagpaparumi at nagiging dahilan nang pagbabaha sa Metro Manila.
- Latest