‘Pulis-hulidap’
MARAMI sa mga kababayan natin ang nabibiktima ng mga walang kuwenta at mga polpol na nagpapalaki lang ng tiyan na mga pulis! Sila ’yung mga pulis na hindi matatawaran ang kasipagan! Kasipagan sa mga iligal na aktibidades at laging nagmamanman sa mga suluk-sulok ng lansangan para makapag-hulidap.
Gasgas man at paulit-ulit ko na itong binabanggit, hindi magsasawa ang BITAG hangga’t mayroong mga taong nagrereklamo at humingi ng tulong sa aking tanggapan. Paulit-ulit at walang kadala-dala rin kasi ang mga gunggong na pulis sa kanilang mga kawalanghiyaan at kademonyohan makakulimbat lang ng pera sa kanilang maiispatan.
Kaya ang nangyayari, ang dapat sana’y takbuhan at sumbungan ng mga naaaping mamamayan, nagiging sindikato na sa lipunan na nagbubulid pa sa kanila sa matinding kagipitan!
Tulad ng naimbestigahan ng BITAG noong 2010. Mga pulis-Caloocan na nanghuli ng tatlong babae dahil sa umano’y pagdadala ng iligal na droga. Dahil wala ring lakas ng loob na pumalag sa paratang ng mga pulis, ang mga babae, walang nagawa kundi sumang-ayon na lang sa pagkakaladkad ng mga lespu kesyo armado at mga “sugo ng batas†kuno!
Sa pag-iimbestiga ng BITAG, nabatid na walang mission order ang mga buwaya at hindi man lang isinangguni ang kanilang operasyon sa kanilang chief of police na may hurisdiksyon sa lugar! Bwelta nila, sorpresa raw kasi nila ito sa kanilang hepe kaya hindi muna nila pinaalam ang nakakasa nilang lakad!
Nang mahuli ang tatlo umanong suspek na babae, agad nila itong deniteni kahit wala pang laboratory test na isinagawa sa nasakoteng shabu. Halos dalawang araw na sa bilangguan ang tatlong biktima ng hulidap pero ang shabu na sana’y ipina-eksamin na ng mga kolokoy, nasa kabinet lang ng PO2 na kasama sa operasyon! Tingnan n’yo nga ‘yang kaburaraan n’yong ‘yan!
Nang kinompronta ko sa kanilang operasyon at tinanong kung sakaling hindi nila mapatunayan ang paratang sa mga inosente, sagot ng hinayupak na PO2, magso-sorry nalang daw dahil mali ang kanilang nahuli! Kundi ka ba naman talaga gung-gong!
Maraming ganitong insidenteng nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Isa lang ito sa mga nailapit at naidokumento ng media. Siguradong marami na at dumadami pa ang mga inosente na nabibiktima ng “Pulis-hulidap.â€
Kayong mga polpol at mapagsamantalang mga pulis na nagkukubli sa baril, uniporme at tsapa, umayos nga kayo! Hambalusin ko kayo sa mga sintido n’yo e kung hindi pa ba naman kayo magtanda!
Pinapaalalahanan ng BITAG ang publiko, ‘wag kayong mag-atubiling lumapit at magsumbong sa amin, sakaling mapagdiskitahan kayo ng mga hinayupak na pagala-gala sa lansangan!
Manood at makinig ng Bitag Live! araw-araw sa AKSYON TV Channel 41 at Radyo 5. Pinoy US Cops – Ride Along, Sabado 8:30 – 9:00 at BITAG, 9:15 -10 ng gabi sa PTV4.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips mag-text sa 09192141624 o mag-email sa [email protected]. Maaari rin kayong magsadya sa BITAG Headquarters sa #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing Miyerkules, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
- Latest