EDITORYAL - Basura at baha
TIYAK na babaha na naman sa Metro Manila kapag pumasok na ang totoong tag-ulan. Nakikita na ang mga palatandaan na magdurusa na naman ang mamamayan sa baha particular ang mga lugar na malapit sa ilog, creek, estero at kahit sa mga kanal. Nang umulan noong Martes ng hapon sa ilang lugar sa Quezon City may baha-ging binaha kaagad. Kaunting ulan lang pero ginawang dagat agad ang kalsada. Sa Novaliches, isang bata ang nalunod nang mahulog sa Tullahan River habang nasa kalakasan ang ulan. Hindi pa nakikita ang bangkay ng bata.
Babaha na naman at walang ibang dapat sisihin kundi ang mga taong walang disiplina sa pagtatapon ng kanilang basura. Karaniwan ang mga taong nakatira sa mga pampang ng ilog, ilalim ng tulay at mga gilid ng estero ang nagtatapon ng basura. Mga plastic na supot at bag ang kanilang itinatapon sa ilog at estero, cup ng noodles, sache ng shampoo at coffee, tetrapak at iba pang bagay na hindi natutunaw. Pati ang kanilang dumi ay sa ilog na rin ang bagsak kaya sandamukal ang basurang kanilang ginagawa. Sa kabila ng pakiusap na huwag magtatapon ng basura sa ilog at iba pang daluyan ng tubig, marami ang ayaw sumunod. Sa halip na magtulung-tulong sa paglilinis ng estero at mga kanal, mas lalo pa nilang dinudumihan. Wala nang nakikitang pagmamahal sa kapaligiran ang mga taong naninirahan sa mga tabing ilog at estero. Kaya pinaka-mabisang paraan ay pilitin silang alisin doon para ganap na maipatupad ang paglilinis.
Noong Martes at nagsagawa ng paglilinis ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Estero de Pandacan at gaya ng dati, napakaraming basura ang kanilang nakuha. Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, 320 tonelada ng basura ang kanilang nakolekta sa nasabing estero. At walang ibang masisisi sa pagkakaroon ng mga basura sa esterong iyon kundi ang mga taong naninirahan sa ilalim ng tulay at iba pang nakatira sa pampang.
Sikapin ng MMDA na puwersahing mapaalis ang mga naninirahan sa mga pampang ng estero at nasa ilalim ng tulay. Noong nakaraang taon pa sinabi ng Malacañang na handa na ang paglilipatan sa mga informal settlers at meron na ring pondo ukol dito. Bakit hanggang ngayon ay namumutiktik pa ang mga taong naninirahan sa mga daluyan ng tubig?
- Latest