EDITORYAL - Pagtaas ng tuition fees
TIYAK nang may pagtaas ng tuition fees sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo ngayong school year. Ito ay sa kabila na urung-sulong pa ang Commission on Higher Education (CHEd) sa pagsasalita kung aaprubahan nila ang aplikasyon ng 344 pribadong unibersidad at kolehiyo para sa pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin. Hindi pa raw nila napagdedesisyunan ang aplikasyon ng mga unibersidad at maaaring sa Lunes pa sila maglabas ng pinal na pasya ukol dito. Pero ayon sa mga hindi kumpirmadong report, naaprubahan na ang aplikasyon ng 344 pribadong unibersidad at may increase na ang tuition ng mga nagsipag-enrol na estudyante. Nagsimula na ang enrollment sa ilang unibersidad sa Metro Manila. Mag-uumpisa ang klase sa Hunyo 3 at mayroon namang sa Hunyo 10.
Taun-taon, humihirit ang mga pribadong uniÂbersidad ng pagtaas ng tuition fees. At wala namang magawa ang CHEd kundi aprubahan ang aplikasyon. Sa nangyayari, tila nawawalan na ng saysay ang CHEd tuwing pasukan sapagkat la-ging nagpapasan nang mabigat ang mga magulang dahil sa pagtaas ng tuition. Maraming magulang ang nagpapakakuba sa pagtatrabaho para lang may maipang-tuition. Ang ibang magulang ay “kuma-kapit sa patalim†para lang may maipangmatrikula ang mga anak. Yung iba ay nagbebenta ng lupa at alagang hayop. Mahalaga sa mga magulang ang edukasyon ng kanilang mga anak.
Sabi ng CHEd, naiintindihan naman nila ang mga pribadong unibersidad kaya nag-aaplay para sa pagtataas ng tuition. Kailangan din naman nila ng karagdagang kita para manatili silang nakatayo. Sa hinihinging tuition increase kinukuha ang pangsuweldo ng mga propesor at instructor at sa iba pang staff ng unibersidad. May karapatan daw ang mga private school na makapag-increase pero dapat daw ay single digit lamang ang increase at laging naka-aligned sa inflation rate.
Wala nang magagawa ang mga magulang at estudyante sa pagtataas ng tuition fees. Tatanggapin na lang nila sapagkat madaling pumayag ang CHEd. Ang dapat na lang asahan ng mga magulang, gawin naman ng mga unibersidad na reasonable ang pagtataas. Mahusay ba ang pagtuturo ng kanilang mga propesor, may sapat bang kagamitan at ligtas ba ang mga estudyante habang nasa loob ng unibersidad?
- Latest