Pagpapahalaga sa mga Ina
IPINAGDIWANG noong Linggo (Mayo 12) ang Araw ng mga Ina. Ito ay isang espesyal na okasyon tuwing ikalawang Linggo ng Mayo sa Pilipinas at sa marami pang bansa.
Sa buong mundo ay sadyang pinahahalagahan ang mga ina. Pero sa ating bansa siguro pinaka-matingkad ang ganitong kultura.
Sa paglipas ng panahon ay marami nang naging katawagan sa ina, tulad ng nanay, inay, nanang, inang, mommy, mama at iba pa. Ang lahat ng mga katawagang ito ay patungkol sa itinuturing na “ilaw ng tahanan†na pangunahing gumagabay sa mga miyembro ng pamilya, humuhubog sa karakter ng mga anak, at katuwang ng ama na tinatawag namang “haligi ng tahanan†sa pagtataguyod ng buong pamilya.
Pero bukod dito, pangunahin ding tinitiyak ng ina ang mga batayang pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya tulad ng pag-aasikaso ng kanilang pagkain at isusuot na damit, pagbabadyet ng pera, at napakarami pang itinuturing na gawaing bahay. Sinasabi nga na ang ina ang umaako ng matinding paghihirap at pagsasakripisyo upang mapalaki nang maayos ang mga supling.
Marami na ring naging pagbabago sa lipunan sa buong mundo, tulad ng modernisasyon at paglahok ng mga ina sa mas maraming aspeto at aktibidad sa lipunan. Ngayon ay marami nang ina ang nagtatrabaho, pumapasok sa pulitika at iba pang larangan.
Gayunman ay nananatili ang kultura ng pagpapahalaga sa mga ina.
Karaniwang eksena pa rin sa lipunang Pilipino ang pagdiriwang ng Mother’s Day sa pamamagitan ng pagsisimba ng buong mag-anak, pagkain sa restoran, panonood ng sine, pamamasyal, o kahit simpleng salu-salo sa bahay.
Sa gitna ng ganitong pa raan ng masayang pagdiriwang ng Mother’s Day ay naroon siyempre ang mga taos-pusong pagbati at pagpapahayag ng pagmamahal sa mga ina.
Nawa ay manatiling napaka-makabuluhan, hindi lang ang pagdiriwang ng Mother’s Day tuwing Mayo, kundi ang mismong pagpapahalaga sa mga ina sa buong taon.
Ipagbunyi ang taunang pagdiriwang ng Mother’s Day!
Mabuhay ang mga ina!
- Latest