Paglilinaw ng NSO sa nalathala sa PSN
Ang sulat pong ito ay isang paglilinaw hinggil sa artikulo na may pamagat na “NSO employee nanginig sa loob ng hotel patay†na isinulat ni G. Ricky T. Tulipat at nalimbag sa inyong pahayagan noong Abril 1, 2013.
Nabanggit ni G. Tulipat sa kanyang artikulo na “isang empleyado ng National Statistics Office (NSO) ang nasawi makaraang atakehin ng panginginig habang nasa loob ng isang hotel kasama ang kanyang boyfriend sa lungsod Quezon….â€
Bagamat itinago po sa pangalang “Susan†ang empleyadong nabanggit sa kanyang artikulo sa Pilipino Star NGAYON, kinilala naman po at iniulat ni G. Tulipat ang detalye ng edad, katungkulan, tanggapan at tirahan ng nasawi sa kanyang magkahalintulad na artikulo sa “Police-Metro†ng pahayagang Pang-Masa.
Nais po naming ipabatid sa inyong mga tagasubaybay at maging kay G. Tulipat na ang nasawi ay hindi po regular o permanenteng empleyado ng NSO. Ang kanyang serbisyo, katulad ng iba pang mga “hired statistical researchers†ay kinontrata ng NSO para lamang sa pangangalap ng impormasyon kaugnay ng Senso ng Agrikultura at Pangisdaan (2012 Census of Agriculture and Fisheries) na kasalukuyang isinasagawa sa buong bansa.
Kaugnay ng mga nabanggit, nais po naming bigyang diin na labas na po sa oras at sa tungkulin ng nasawi bilang Team Supervisor ng 2012 CAF ang mga naganap na pangyayari. Sa dahilang wala rin pong kaugnayan ang NSO sa mga personal na kilos at galaw ng mga indibidwal sa labas ng kanilang paninilbihan sa tanggapan, hindi na po sana dapat na naiuugnay pa ang aming ahensya sa isyu.
Umaasa ang NSO na ang sulat na ito ay inyo ring bibigyang daan na mailathala sa inyong pahayagan para sa wastong kaalaman ng inyong mambabasa at ng mamamayang Pilipino sa buong bansa.
Maraming salamat po. — (Sgd.) CARMELITA N. ERICTA,
- Latest















