Tong collection sa PRO4-A
KAHIT gumagana ang no take policy ng nasibak na Calabarzon police director Chief Supt. James Melad, hindi naman pala nahinto ang lingguhang intelihensiya ng CIDG tulad ng ipinamalita ng bagman ni Dir. Sammy Pagdilao Jr. na si Sr. Supt. Rhodel Sermonia. Sa katunayan, ang ginamit ni Sermonia sa tong collection activities sa PRO4-A ay si alyas Lito Guerra. Kaya hindi dapat ginutom ni Sermonia ang staff ng CIDG, pati na ang mga “friends†ni Pagdilao dahil tuloy-tuloy naman pala ang dating ng grasya sa kanya, courtesy of Lito Guerra, di ba mga suki? Sa pormal na pagretiro ni Pagdilao sa serbisyo kahapon, tiyak ang pinakamalungkot na nilalang sa CIDG ay walang iba kundi si Sermonia. Kung sino man ang mapili na papalit kay Pagdilao, tiyak hindi na gagamitin ang serbisyo ni Sermonia dahil baka masunog din ang para sa kanya. Si Sermonia? Dapat sa kangkungan na siya damputin.
Sinabi ng mga kausap ko sa Calabarzon na si Guerra talaga ang nagsilbing timon ni Sermonia sa mga tabakuhan sa PRO4-A. Ang gamit naman ni Guerra sa Batangas ay si SPO1 Willy Maligaya, si Mike Viscocho sa Laguna at sa Cavite ay ang pamangkin niya at personal driver na si alyas Randy. O hayan mga suki, paano sasabihin ni Sermonia na nahinto ang koleksiyon ng CIDG sa PRO4-A, e maliwanag pa sa sikat ng araw na tuloy-tuloy ang pasok ng grasya sa bulsa nya? Ang tanong sa ngayon, saan napunta ang budget para sa allowance ng staff ng CIDG at pati na ang sa “friends†ni Pagdilao? Totoo ba na may pinapagawang malaking bahay sa Tagaytay si Sermonia?
Kung sabagay, sinundan lang ni Sermonia ang drama ng tropa ni Melad na kunwari no take din sila sa pasugalan. Kaya, ginutom din ni Sr. Supt. Rene Pamuspusan, hindi lang ang staff ni Melad kundi maging ang “friends†din ng Calabarzon police. At sa ngayon, nais sundan ng bagman ng bagong upong Calabarzon police director Chief. Supt. Benito Estipona ang mga yapak ni Melad para makamenos sila at malaki ang maiuwi nila sa kanilang pamilya. Ang kolektor ni Melad na si Dodjie Lasierda ang ginamit na rin ni Estipona, di ba Col. Reyes Sir? Ang gamit naman ni Lasierda sa Cavite ay si PO3 Nestor Violan ng Bacoor PNP; sa Batangas si ret. SPO4 Dave Abcede at Florence Manimtim na collector din ni Sr. Supt. Acio ang provincial director ng probinsiya; si Lasierda mismo ang sa Laguna subalit ang tagadampot niya ng intelihensiya ay sina alyas Ben o Bentot at si alyas Nano na bata ng isang pulis na kung tawagin ay Tata Rudy sa Rizal.
Bakit kaya dito lang sa PRO4-A magulo ang tabakuhan? Sa ibang lugar naman kasi mga suki, matining at tahimik ang kalakaran. Ang ibig kayang sabihin sa ibang lugar ay naipamahagi ang grasya samantalang dito sa PRO4-A ang gusto sila-sila lang? Kahit anong drama pa ang ipaiiral ng tropa ni Estipona, tiyak mabubulgar din yan. Abangan!
- Latest