EDITORYAL - Kilos na MMDA, baklasin perwisyong streamers
HINDI pa nag-uumpisa ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagbaklas sa mga perwisyong streamers ng mga kandidato para sa May 13, elections. Dapat simulan na nila. Kapag hindi pa nila inumpisahan ang pagbaklas sa streamers, sila rin ang mahihirapan sapagkat parami na nang parami ang nagkakabit o nagsasabit ng mga ito. Hindi lang sa mga poste ng Meralco nagkakabit ng streamers kundi pati na rin sa mga linya ng cable na nakayungyong sa kalye.
Bukod sa masamang tingnan ang mga streamers ng kandidato, delikado o peligroso ang mga ito sa motorista at pedestrians. Karaniwang ang mga streamers na nakasabit sa cable lines ay may paÂbigat na bato o makapal na tabla. Itinatali ang bato at tabla sa magkabilang dulo ng streamer para hindi ito liparin ng hangin. Pero magdudulot ito ng aksidente kapag ang bato ay humulagpos sa pagkakatali. May mga insidente nang nareport na bumagsak ang bato sa windshield ng sasakyan. Nabasag ang salamin ng sasakyan dahil malaki ang batong bumagsak. Mabuti na lang at walang tinamaang tao pero nagdulot ng pagtatrapik sa lugar.
Nararapat nang simulan ng MMDA ang kanilang operation baklas sa mga promotional materials ng mga kandidato. Hindi na dapat paramihin pa ang mga ito sapagkat magdudulot lamang ng perÂwisyo. Kung ngayon na hindi pa nag-uumpisa ang opisyal na kampanya ay marami nang lumalabag sa Omnibus Election Code, paano pa sa mismong araw ng kampanya. Hindi na dapat papormahin pa ang mga kandidatong maagang nangangampanya.
Halos lahat nang mga siyudad sa Metro Manila ay namumutiktik na sa dami ng streamers at posters. Ayon sa report, pinaka-marami ang Quezon City sa nagbitin o nagsabit na streamers sa mga linya ng telepono o cable. Halos lahat ng mga kandidato sa QC ay walang pakundangan sa paglalagay ng streamers. Mayroon pang sa pader na mismo derekÂtang idinodrowing ang pangalan ng kandidato at makulay na makulay pa ang mga ito. Para marahil madaling makita ng mga nagdaraan.
Kilos na MMDA, huwag nang paramihin pa ang mga perwisyo at peligrosong streamers ng kandidato. Baklasin na ang mga ito!
- Latest