Death penalty
SA mahigit na 40-taon ko sa media, naobserbahan ko na pare-pareho na lang ang mga nangyayaring balita. Paulit-ulit bagamat kinapapalooban ng iba’t ibang tao sa iba’t ibang lugar at panahon. Di ba ganyan din ang mga istorya sa mga telenobela at pelikula? Paulit-ulit.
Umiikot lang ang mga balita sa mga katiwalian sa gobyerno at sa paglaganap ng krimen: Massacre, rape, barilan at mga tiwali sa loob ng gobyerno. Ang isyu tungkol sa pagbabalik ng death penalty halimbawa ay mainit na namang paksa dahil pagpasok pa lang ng 2013 ay sinalubong na tayo ng mga balita tungkol sa mga walang habas na pamamaril at pagpatay.
Lulubog, lilitaw ang parusang bitay. Sa pagluklok ng bagong administrasyong Cory Aquino noong 1986, isa sa mga ginawa ng bagong administrasyon noon ay buwagin ang parusang bitay. Nang maluklok si Fidel V. Ramos bilang Pangulo, ang parusang ito’y muling binuhay ng Kongreso noon dahil sa mga walang patumanggang krimen kabilang ang panggagahasa at pagpatay maging sa mga musmos. Isang Leo Echegaray ang unang nakatikim ng bitay sa pamamagitan ng lethal injection. Pero hindi rin nagtagal at inalis din ang parusang bitay dahil sa protesta ng simbahan at mga human rights advocates. History repeats itself over and over and over again!
Ngayon, nagbabagang balitaktakan na naman ang nangyayari sa dalawang maiinit na isyu: Una ang total gun ban at pangalawa ang panunumbalik ng bitay. Pero pag-usapan muna natin ang tungkol sa death penalty.
Kinontra ni Senator Chiz Escudero ang panukalang ibalik na ang parusang kamatayan. Kahit si Pangulong Noy Aquino ay tutol sa panukalang ito. Ani Escudero, hindi raw mapipigil ng bitay ang mga karumal-dumal na krimen. Magugunita na isa si Escudero sa bumotong pabor sa pagbasura ng death penalty noong 1990.
Ako’y pabor sa bitay pero may reserbasyon dahil sa depekto sa implementasyon ng ating hustisya. Marami kasi ang napaparusahan na sa totoo’y wala talagang kasalanan.
Maraming biktima ng frame-ups dahil ang mga totoong nagkasala ay maimpluwensya at masalapi at kayang manipulahin ang hustisya. Sa tingin ko’y dapat munang mareporma ang ating police at justice system para walang sinumang napagkakaitan ng totoong hustisya.
- Latest