Paano malalaman kung may breast cancer
Dear Dr. Elicaño, nasa lahi po namin ang pagkakaroon ng breast cancer kaya gusto ko pong malaman kung paano ang tamang pag-eksamin sa mga suso. Paano po ang tamang pagsalat sa mga suso? At gaano kadalas dapat gawin ang pag-eksamin? —GLENDA A. MARINGA ng Valenzuela City
Ang tamang panahon sa pag-eksamin sa mga suso ay pagkatapos ng menstruation o regla. Ikaw mismo ang gagawa nito. Dahil ikaw lamang ang makaaalam kung may kakaibang nasasalat dito. Sa pag-iinspeksiyon natutuklasan kung mayroong bukol sa suso na maaaring palatandaan ng cancer. Kailangang gawing regular na pag-inspeksiyon sa mga suso para agad na maagapan ang pagkalat ng kanser.
Ginagawa pagkatapos ng regla ang pag-iinspeksiyon sa mga suso sapagkat sa panahong ito sinasabing physiologically less active ang mga suso. Madaling made-detect sa panahong ito kung may mga pagkaÂkaibang abnormalidad sa suso.
Sa pag-inspeksiyon mo sa iyong mga suso dapat tingnan ang mga sumusunod: Bukol, pagbabago sa hugis ng suso, anyo ng utong, rash sa paligid ng utong at kulay ng mga suso. Suriin din kung may pagdurugo o abnormal discharge sa utong, kulani sa kilikili o mga sugat sa mismong suso.
Ang mga sinabi kong sintomas o palatandaan ay hindi naman ibig sabihin na mayroon ka nang cancer sa suso. Mas makabubuti kung magtutungo ka sa cancer specialist para matiyak ang kalagayan ng mga suso. Hindi dapat ipagwalambahala ang mga makikitang pagbabago sa mga suso.
- Latest