Editoryal - Paulit-ulit na lang ang mga napuputukan
MAS mababa umano ang bilang ng mga napuputukan ngayon kaysa noong nakaraang taon ayon sa Department of Health (DOH). Mula Disyembre 21-30, umabot na sa 165 ang nasugatan dahil sa paputok at isa naman ang tinamaan ng ligaw na bala. Karaniwang biktima ng mga paputok ay mga bata. Kahapon, ilang bata ang isinugod sa ospital na duguan ang kamay nang masabugan ng piccolo. Isang bata ang naputulan ng dalawang daliri makaraang maputukan ng dinampot na rebentador nang damputin saka pumutok. Nagsisigaw ang bata sa sakit nang nililinis na ng mga doctor ang sugat. Mabuti at agad nadala sa ospital ang bata kundi ay baka natetano ito.
Mamayang hatinggabi, tiyak na marami na naman ang masusugatan. Kanya-kanyang sindi nang malalakas na paputok. Sa kabila na may babala ang DOH na iwasang magpaputok at sa halip ay gumamit na lamang ng pailaw, torotot at iba pang bagay na nakalilikha ng ingay, marami pa rin ang matitigas ang ulo na bumibili nang malalakas na paputok na mistulang gamit na pangterorismo. Dalawang bagong paputok --- ang “Crying Bading” at “Ampatuan” ang kinalolokohan ngayon sapagkat napakalakas. Kailangan lamang mag-ingat sa pagsisindi ng mga ito at nararapat gawin sa ligtas na lugar.
Hindi na mapipigilan ang mga magpapaputok. Kahit na ano pa ang gawin, hindi na sila masasaway pa. Ang kahandaan na lamang ng mga ospital sa panahong ito ang nararapat. Siguruhin na sapat ang mga gamot. Siguruhin na mabibigyan ng sapat na serbisyo ang mga biktima ng paputok lalo na ang mga bata. Sa mga nakaraang selebrasyon ng Bagong Taon, inirereklamo ang mga doktor at nurse ng mga magulang ng mga batang naputukan sapagkat matagal sila bago serbisyuhan. Hindi raw nila alam kung ano ang gagawin. Pinagmamasdan na lamang umano niya ang duguan at lasog na daliri ng anak.
Ang mabilis na pag-aksiyon ng mga doctor na walang kinikilingan ang dapat mamayani sa panahong ito. Hindi dapat balewalain ang mga nasugatan lalo ang mga bata.
- Latest