‘G.I. babies’ mas marami pala, at dumadami pa
LIMANG beses pala ang totoong dami ng mga tinaguriang “G.I. babies” sa Pilipinas kaysa dating bilang. At patuloy silang dumadami, ayon sa isang dalubhasang Amerikano sa mga komunidad sa paligid ng mga dating US military bases sa Luzon.
Ani Dr. Peter C. Kutschera, ang tunay na dami ng mga Filipino Amerasians ay 200,000-250,000. Sila ay mga naiwang anak ng sundalong Amerikano sa mga nabuntis na Pilipina. Karamihan sa kanila ay nakatira sa mga komunidad sa paligid ng dating Clark Air Base sa Pampanga, Crow Valley Bombing and Gunnery Range sa Tarlac, at Subic Naval Base sa Zambales. Meron din nasa Kamaynilaan at Cebu, at sa paligid ng dating Camp John Hay sa Baguio at ng Wallace Air Base sa La Union.
Dati-rati ang tinataya ng mga pamahalaan ng Pilipinas at Estados Unidos na bilang ng Filipino Amerasians ay 50,000 lang. Isinilang sila nu’ng kasagsagan ng Vietnam War, 1959-1975, kung kailan dumagsa ang mga Amerikanong sundalo, sibilyang empleyado, at pribadong kontratista sa military bases. Ang lahi ng mga ama ay Anglo, African o Latino, sa mga ina na pinaghalong Malay at Tsino. Dumadami sila dahil sa ngayo’y taunang Balikatan joint military exercises ng Pilipinas at USA.
Dahil sa dami nilang 200,000-250,000, ani Dr. Kutschera, dapat ituring na social diaspora ang Filipino Amerasians. Ang diaspora ay sapilitang pagkalat ng isang lahi dahil sa digmaan, imperyalismo, kalakal, trabaho, o pang-aapi sa lipunan.
Karamihan sa Filipino Amerasians ay maralita, ani Dr. Kutschera. Nakatira sila sa slums, kulang sa pinag-aralan at pagkakataon sa hanapbuhay, at napabayaan ang kalusugan. Minamaliit at nilalait pa sila na mga bastardong “G.I. babies,” animo’y ninais nila ang naging tadhana.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest