Bawal ang pulitiko!
ITO ang pangit na imahe ng pulitika. Pati sa pagbibigay ng tulong, pinupolitika pa! Inamin ni Compostela Valley Gov. Arturo Uy na may dalawang lokal na pinuno na nagtatalo pa ukol sa pagbigay ng mga relief goods sa mga biktima ng bagyong Pablo! Mga planong tumakbo siguro sa darating na halalan kaya pumapapel ngayon sa pagbibigay ng relief goods, pero wala namang ginawa noong kasagsagan ng bagyo! Wala nang mas mababang hayop pa sa ganyang klaseng tao! Ang pinagsasamantalahan yung hindi na dapat nilalagyan ng kulay ng pulitika!
Ang dapat ginawa ng governor ay sa military pina-distribute ang relief goods, habang binabantayan na rin ng media. Baka naman kasi mga militar o ang kanilang mga officer ang makinabang naman sa mga binigay na tulong. Ilang beses na ring nangyari iyan. Mas mabuti pa nga siguro kung ibang militar ang magpamigay ng mga tulong, katulad ng US Army o Marines na hindi iisiping bulsahin ang mga lokal na relief goods. Para sigurado ring wala nang pulitikong papasok.
Dapat nga siguro ipagbawal ang sinumang pulitiko maliban kay President Aquino na pumapel sa mga nasalanta ng bagyo o ano pang kalamidad. Palagi na lang ganyan ang kwento. May kalamidad, sigurado may pulitiko na nag-aabang ng tamang pagkakataon para pagsamantalahan ang paghihirap ng mga biktima, para siya ang bida! Magtatayo ng tolda na kuntodong nakapaskel ang kanyang larawan at pangalan. Tatayo ng ilang minuto para makuhanan ng litrato na nagbibigay ng tulong, tapos uupo na at sa iba na ipagagawa ang trabaho! Hindi na sila dapat pinapayagang gawin iyan!
Sa mga nagnanakaw naman o looting, dapat shoot-on-sight na ang mga iyan! Pare-pareho na ngang apektado ng kalamidad at nasa krisis ang sitwasyon, makukuha pang magnakaw ng mga hindi naman importanteng bagay! Pulitiko at magnanakaw. Iyan ang mga naglalabasan mula sa mga lungga nila kapag may kalamidad o krisis. Hindi para tumulong, kundi para pumapel, umeksena, magpapogi, magnakaw. Siguraduhin lang sana na yung mga tulong ay umabot sa mga tinutulungan, at hindi sa bulsa ninuman!
- Latest