Hindi pa tapos ang laban
NANG si Pacquiao ay napuruhan ni Marquez sa kanyang baba isang segundo bago matapos ang round 6, may mangilan-ngilang pang nag-akala na maari itong ma-“saved by the bell”. Mayroon kasing patakaran sa boksing na kapag ika’y ma-knock down at bago mabilangan ng hanggang 10 ay biglang mag-bell ng katapusan ng round, hindi itutuloy ang bilang at matatakasan mo ang pasyang knock out. Kaso’y not in effect ang “saved by the bell rule” sa laban nila Manny kaya hindi rin ito nakalusot. Pero kahit siguro maari pa siyang i-saved by the bell, sa kanyang pagkawala ng ulirat ay malinaw sa lahat na tapos na rin noon ang laban nila ni Marquez.
Magandang paghambingan sa nangyari kay Manny ang naganap na pagkapasa ng RH Bill sa plenaryo ng Kamara de Representante noong Miyerkules ng gabi. Gaya ng pagtulak sa labang Pacquiao vs. Marquez, ang hidwaan sa pagitan ng mga pro at anti RH Bill ay umabot na rin hanggang sukdulan. The voice of the people is the voice of God, sigaw ng pro. Sagot naman ng anti: In matters of conscience, the law of the majority has no place. Mismong sa loob ng session hall ay punumpuno ang gallery ng magkatapat na puwersa ng simbahan (anti-RH) at ng mga pro. Habang nagbobotohan ay hindi itinatago ang mariing pagmamanman at pag-irap ng mga arsobispo sa mga galaw ng mga Kongresistang binabantayan. Sa mahigpit na iskor na 113 laban sa 104, sa unang pagkakataon mula nang maipanukala mga 15 years nang nakalipas ay aabot sa 3rd reading ang isang reproductive health law. Hindi inaasahan na magiging ganoon kaliit ang agwat – siyam na boto lamang ang pinaglayo ng dalawang panig.
Nariyan pa ang 3rd reading kung saan muli na namang magkakagapangan ng panig upang ang 9 na botong agwat ay madagdagan o mabawasan. Pangalawa’y naghihintay din ang Senado kung saan lilipat ang laban sakaling makalusot nga ito sa House sa botohan ng 3rd reading.
Di tulad ng pagka-KO kay Manny (na taas noo’y bumotong kontra), hindi pa tapos ang laban para sa RH Bill.
- Latest