Tuluy-tuloy pa rin!
TULUY-TULOY na nauungkat ang iskandalo, anomalya, katiwalian na naganap sa ilalim ng administrasyong Arroyo! Isang foundation na dapat nagbibigay ng tulong sa mga trabahador sa mga fishpond sa Masantol, Pampanga ang isiniwalat na peke ng isang opisyal. Hindi raw niya alam kung saan napunta ang mga pondo na dapat para sa mga trabahador dahil ginamit lang daw ang kanyang tirahan bilang address nung foundation para may maipakita lamang sa SEC! Matapos ang ilang miting kung saan imbitado siyang dumalo, tumigil na raw ito at hindi na raw niya alam kung ano ang nangyayari sa foundation!
Lahat ito, naganap sa balwarte ni dating pre-sident Gloria Arroyo. Ang masama, wala na mang mga magsasaka sa Masantol dahil pangingisda ang kabuhayan doon! Bakit sila makakatanggap ng tulong mula sa Department of Agra-rian Reform, para sa mga kagamitan na hindi naman nila magagamit sa kabuhayan nila. Sa madaling salita, walang perang nagpalitan ng kamay mula sa foundation, o kung kanino man. Sa ilang opisyal lamang ng “foundation” napunta ang lahat ng pera. Mga opisyal na hindi na matagpuan! Kung saan na napunta at saan nagamit, kayo na ang humula!
Dalawang taon na mula nang maging presidente si Noynoy Aquino, at patuloy pa rin ang pagdiskubre kung paano naubos ang pera ng bayan sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Tinatawag na nga ang iskandalo na Malampaya Scam, o ang Fertilizer Scam Part 2! Ang COA ang nakadiskubre ng anomalya, dahil nagpadala ng mga sulat sa mga mangingisda kung natanggap na nga nila ang kanilang mga pera. Eh wala naman. Bistado na ang anomalya! Hindi talaga nakapagtataka kung bakit kinailangan nilang manalo sana noong 2010, para nga hindi makita lahat ito!
Isipin na lang yung mabuting magagawa ng lahat ng pera na nawala na lang noong panahon nila. Baka marami nang naayos na mga paaralan, baka marami nang nagawang mga kalsada, baka marami na sanang napaaral na bata sa mga pampublikong paaralan. Bukod sa napalakas pa lalo ang ating militar dahil may aroganteng kapitbahay na bansa na umaangkin ng buong karagatan! Ano pa ang mauungkat sa darating na taon? Baka tapos na nang termino ni P-Noy, may nauungkat pa. Kaya mahalaga na malinis din yung papalit sa kanya, di ba?
- Latest