Isyu ng birthday ng PNP chief, atbp.
NGAYON lang marahil naging malaking isyu ang birthday ng hepe ng Philippine National Police. Sa ika-56 kaarawan ni Dir. Gen. Nicanor Bartolome sa Marso 16, 2013, sapilitan siya magreretiro. Kalagitnaan ito ng kampanya ng congressional-local elections. Habang election period, Enero-Hunyo 2013, bawal magtalaga ng bagong PNP chief si President Noynoy Aquino, pero maari naman humingi ng Comelec exemption.
Ganunpaman, nais ni Aquino na kung sino man ang PNP chief sa panahon ng eleksiyon ay pangangasiwaan ang katahimikan hanggang matapos ito. Kaya nais niya magbitiw si Bartolome nang maaga -- at gagawin niya itong DILG undersecretary o ano pa man -- para ngayon pa lang makapaghanda na ang kapalit.
Siyempre, hindi man isinasa-publiko, masama ang loob ng loyalists ni Bartolome sa gan’ung mungkahi. At ganado naman ang mga nag-aasam na pumalit sa kanya. Kaya nagkaka-tirahan sila sa media.
Naalala ko ang ilang pagsusuri sa epekto ng birthday sa tadhana ng tao. Hindi ito tungkol sa astrology kundi sa agham:
• Anang survey ng Canadian Medical Association Journal, 39% mas malamang kailanganin gamutin ang mga isinilang nang Disyembre sa attention deficit hyperactivity disorder, kaysa mga isinilang nang Enero.
• Mas sumisikat ang Canadian hockey players na isinilang nang Enero-Abril kaysa Disyembre. Kasi ang cutoff ay Enero 1 sa edad ng tinatanggap na bagong manlalaro. Siyempre mas malalaki at matitipuno na ang mga mas matanda nang walo hanggang 11 buwan.
• Sa pag-aaral sa Britain, mas sakitin ang mga isinilang
nang Marso-Hunyo kaysa Oktubre-Nobyembre. Ito’y dahil daw sa sobrang pagpapaaraw ng mga buntis na ina sa panahon ng summer.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest