Mga katotohanan sa RH Bill (1)
Hindi pa rin matatapos ang kontrobersiya sa Reproductive Health (RH Bill) kahit pa natapos na ang debate tungkol dito sa Kongreso.
Simple lamang ang dahilan: maraming punto ng katotohanan at ng batas na lumitaw noong ito’y pinag-dedebatihan na hayagang hindi binigyang-pansin, o hindi naitanggi, o napatotohanan na mali at walang katotohanan ng mga nagsusulong ng RH Bill.
Sana’y matagal nang natapos ang mga debate, at naisagawa kaagad ang angkop at matalinong botohan, kung ang mga sumusunod na isyu ay direkta at maliwanag na nasagot ng mga isponsor at tagapagsulong ng panukalang-batas:
Ang mga isponsor ba ang tunay na sumulat ng panukalang-batas (RH Bill)?
Hindi.
Simula pa noong 1990, ilang grupo na mula sa mga dayuhang bansa ang nagsimulang isulong ang sinasabing “reproductive rights” ng mga babae sa pamamagitan ng pagsasa-batas ng mga panuntunan sa reproductive health na anila’y magliligtas sa buhay at magtatanggol sa kalusugan ng mga babae sa buong daigdig.
Sa katunayan, may mga pamahalaang-lokal ang nagpasa na ng mga ordinansa na iniangkop sa RH Bill ng mga dayuhang tagapagtaguyod.
Ngunit ninanais pa rin nila na maging batas na ito ng buong bansa. Kaya’t kinausap nila ang ilang kongresista at senador na i-sponsor ang panukalang-batas.
Upang gawin itong “sensitibo– at epektibo - sa ating kultura, kabuhayan at pam-pulitikang konteksto”, at upang iligoy ang tunay na layunin ng panukala, ilang punto ang idinagdag.
Kaya’t ang titulo nito ay hindi na “Reproductive Health” kundi “Population Development”, at nitong mga huling araw ay “Responsible Parenthood”, sang-ayon kay P-Noy.
Sino itong mga dayuhang grupo na nagtutulak na maipasa ang RH Bill?
Sila ang mga grupo sa US na itinakda ng kanilang pamahalaan, gayundin ang ilang ahensiya ng United Nations.
Pinalalabas nilang ito’y isang pandaigdigang gawain para sa kapakinabangan ng developing countries.
Ang mga ahensiya ng UN ay ang UN Fund for Population Development and Assistance (UNFPA) na nagbibigay ng tulong-pinansiyal sa mga umuunlad na bansa na magsasa-batas ng RH bill upang matamo ang ilang “Millennium Development Goals” (MDG).
Mayroon ding mga pribadong grupo tulad ng International Planned Parenthood Federation (IPPF), na nagpapatakbo nang pinakamala-king negosyo ng aborsyon sa Amerika, at ang Bill and Melinda Gates Foundation na naglaan kamakailan ng $4.4 billion upang isulong ang aborsyon sa ibang bansa.
Umiiral sila dito sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga lokal na NGO (non-government organizations) tulad ng Philippine Legislative Council for Population Development (PLCPD) at Family Planning Organization of the Philippines (FPOP) upang isulong ang pagpasa ng RH bill na may badyet na P3.3 bilyon mula sa buwis ng mamamayan para sa pagsulong ng kontrasepsiyon, estirilisasyon, at edukasyon tungkol sa seksuwalidad na ituturo sa mga paaralan sa Pilipinas.
Noon lamang 2011, binigyan ng IPPF ang FPOP nang mahigit $600,000 upang asikasuhin na maipasa ang panukala. (Itutuloy)
- Latest
- Trending