On-line libel
OKAY sana ang Cyber Crime Prevention Act kung ang pagtutuunang pansin ay ang mga krimen tulad ng cyber sex, identity theft, cyber bullying at iba pang uri ng panloloko na ginagamit ang internet. Napakatalamak niyan ngayon! Kaso parang ito’y sumisikil sa kalayaan sa pamamahayag dahil sa probisyon sa “on-line libel”. Ibig sabihin, ang sino mang magpapaskel ng mga artikulong tumutuligsa kanino man ay puwedeng kasuhan ng libelo. Kaya maraming sector ang nananawagan na ito’y maamyendahan.
Agad nagharap ng panukalang batas si Sen. Francis Escudero para ipawalambisa ang Section 4 ng Republic Act No. 10175 na nagpapataw ng 12 taong parusa sa libel sa pamamagitan ng internet.
Ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon ang freedom of speech at expression kaya kakatwang sa isang bansang may umiiral na demokrasya ay may ganyang uri ng batas. Kung ang nais natin ay isang lipunang matuwid, kailangang itaguyod ang laya sa pamamahayag. Kailangan ang transparency upang matukoy ang mga gumagawa ng katiwalian lalu na sa gobyerno.
Ang administrasyong ito’y hindi kalaban ng kalayaan sa pamamahayag pero bakit babayaan natin ang ganyang mapaniil na batas? Isa pa, bakit iniipit at ayaw pagtibayin ang Freedom of Information bill para maging batas?
Sabi nga ni Escudero “With today’s modern technology, the crime of libel does not only prove antiquated but to the contrary even overarching as a state tool to restrain freedom of speech.”
Demokrasya tayo at huwag nating kalimutan iyan. Sa demokrasya, kailangan ang malakas na media na nagsisilbing tenga at mata ng sambayanang Pilipino.
Iyan din ang dahilan kung bakit dapat na ring pagtibayin ang Freedom of Information Bill dahil ito’y hindi lamang para sa media kundi sa mga mamamayan para makita nila kung paano ginugugol ng pamahalaan ang buwis na ibinabayad nila.
Paraan ito para epektibong puksain ang katiwalian sa pamahalaan.
- Latest
- Trending