Ang 3 Duterte sa 2013
NAPAGDESISYUNAN na ng lokal na partido ng Hugpong sa Tawong Lungsod na si Councilor Paolo ‘Polong’ Duterte ang maging kandidato nila sa pagkabise-mayor ngayong darating na halalan sa Mayo 2013. Sisikapin ni Polong na masundan ang yapak ng kanyang ama na si incumbent Vice Mayor Rodrigo ‘Digong’ Duterte.
Kahit na pinakilala na nga ang line-up para sa konseho ng Hugpong sadyang iniwan na bakante ang position ng mayor at congressman ng first district. Sina incumbent Second district Rep. Malene Garcia at Third district Rep. Sid Ungab naman ay pawang magpapare-elect.
At dahil sa maselan na pagbubuntis ipinagpaliban muna ni Mayor Sara Duterte-Carpio ang pagdalo sa nasabing convention ng Hugbong noong Biyernes. Nakatakdang manganak si Sara sa April sa susunod na taon. Nangako siyang gagampanan ang kanyang tungkulin bilang mayor ng Davao City.
Kaya nga sa October 5 pa talaga malalaman kung sino ang tatakbong mayor at tatakbong first district congressman sa mag-amang Sara at Digong.
Sabay na magpa-file ng kanilang certificate of candidacy ang mga kandidato ng Hugpong sa huling araw ng filing ng COC sa October 5.
At idinaos ang convention ng Hugpong sa SMX Convention Center na itinaon naman sa grand opening ng SM Lanang Premier noong Biyernes. At ang pagtitipon ng Hugpong pa ang pinakaunang event sa SMX Convention Center. Talagang historical nga ang naging aktibidad ng partido na dinaluhan ng may higit 2,000 miyembro nito.
Dumating pa nga si Hans Sy, ang may-ari ng SM chain of malls, sa kalagitnaan ng convention ng Hugpong sa SMX. Sandali lang silang nag-usap ni Digong ngunit nanatiling nakatayo at nagmasid-masid si Hans sa may pintuan ng SMX bago nito tuluyang nilisan ang convention center.
Ang ginawa ni Hans na pakipagkita kay Digong sa convention ng Hugpong ay puwede ring isipin na todo nga ang suporta ng mga negosyante, lalo na ng mga intsik, sa liderato ng mga Duterte dito sa Davao City.
Ang tanong lang naman ay sino ngayon ang mangahas na kakalabanin ang tatlong Duterte sa halalan sa susunod na taon.
Ang problema rin kasi ay ganito – ang lahat ng national parties, mapa-Liberal Party man o maging United Nationalist Alliance (UNA) man, talagang ang mga Duterte ang susuportahan.
Kaya, abangan na lang sa October 5!
- Latest
- Trending