Atapang Atao
SA anibersaryo ng martial law, nagpasabog ng bomba ang dalawa sa tatlong pangunahing martial figures sa Senado. Grabe ang naging bangayan sa pagitan ng pinakabatang senador Antonio Trillanes at ang pinaka-senior na senador, mismong si Senate President Juan Ponce-Enrile. Si Trillanes at ang sumbong niyang na-bully daw siya ni JPE (at nagpa-bully naman siya) sa isyu ng dibisyon ng Camarines Sur at ang buwelta naman ni JPE tungkol sa pagtatraydor ni Trillanes sa interes ng bansa sa kasagsagan ng tensyon sa Panatag Shoal.
Lihim palang nakikipag-usap si Trillanes sa mga Tsino habang ang ating opisyal at pangunahing kinatawan, ang respetadong Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario ay walang kamuwang-muwang na nakikipagnegosasyon ng harapan. Nilaglag nga ba tayo ni Trillanes gaya ng akusasyon ni JPE? Ano ba talaga ang kinalaman ng kaibigan ni Del Rosario na bilyonaryong si Manuel V. Pangilinan at ng kanyang business interests sa usapan?
Nasilayan din ang mga pagkikilos ng mga magkalaban na puwersa sa dibisyon ng Camarines Sur. Si Trillanes ay kapartido ng nakaupong gobernador LRay Villafuerte na kontra sa gaganaping dibisyon.
Ang hindi lang maganda ay ang kahiya-hiyang pagtalikod ni Trillanes kay Enrile sa debate. Kung sa umpisa’y napahanga tayo ng tapang ni Trillanes sa harapang panduduro kay Enrile, naglaho ang paghanga ng parang bula nang hindi nito kinaya ang buwelta ng Senate President. Hindi na nga nito nasabayan si JPE sa parliamentaryong sagutan ay nakuha pa nitong mag-walkout habang siya naman ang kinukuwestiyon. Ang tapang sa digmaan ay hindi pala garantya ng tapang sa lahat ng bagay.
Si Trillanes ay pasaway – noong nag-coup d’etat at maging ngayon sa usapang Panatag ay hindi pa rin ito nagpaawat at nakilahok kahit hindi niya tungkulin. Ito marahil ang appeal niya sa botante. Subalit sa Senado ay hindi maaring talikuran ang mga tradisyon at alituntunin dahil iniupo siya ng tao dito na miyembro ng isang institusyon. Ano man ang personal mong katapa-ngan, sa Senado ang mahalaga ay ang katapangan ng iyong paniniwala at paninindigan. Paano ito mapangangatawanan kapag ika’y umatras sa kainitan ng laban? Kung ika’y hindi sumali sa inumpisahang balitaktakan, paano maririnig at malalaman ng publiko ang iyong katwiran? Paano pa susuklian ang tiwala naming taumba-yan kung tatakbuhan mo lang ang sinumpaang katungkulan?
Hindi puwede rito ang pumili ng digmaan. Kapag ika’y tumindig ay dapat handa kang sumagot sa katanungan ng mga kapwa senador na tanong din ng kanilang kinakatawan. Ang Senado ay ang pinakamalaya at demokratikong lara-ngan sa buong pamahalaan. Kung hindi ka handang sagutin ang mga katanungan ng kasamahan ay huwag na lang sanang tumindig at mabuti pang manahimik na lamang.
- Latest
- Trending