Money changer, target ng mga holdaper

HINDI dapat sisihin ang mga may-ari ng money changer shops kung higpitan nila ang security dahil sa marami na sa kanilang hanay ang nahoholdap. Noong nakaraang Biyernes, ang Czarina money changer shop sa Alabang Town Center sa Muntinlupa City ang hinoldap ng Ozamis robbery gang at milyong piso ang natangay. May napatay sa mga holdaper subalit natangay rin ang pera. Kaya tama lang ang ginawa ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome na sibakin ang hepe ng Muntinlupa City Police na si Sr. Supt. Ramiro Bausa dahil pangalawang nakawan na ito sa Alabang Town Center. Noong nakaraang Pebrero, pinasok din ng mga holdaper ang naturang lugar at hindi gumawa ng paraan si Bausa para hindi na maulit. Kahit bata ni Bartolome si Bausa, sinibak pa rin niya dahil nadismaya ang Palasyo sa nakawan.

Hindi lang ang Alabang Town Center ang pinasok ng Ozamis gang. Halos lahat ng money-changer shops na nasa malls ay hinoldap nila. Kaya hindi na nagbantulot pa sina Eddie at Zeny, may-ari ng EdZen money changer shop sa Maynila para i-secure ang negosyo nila. Bumili ng Mitsubishi Estrada ang mag-asawa at pina-convert ito na armoured van para gamiting pang-deliver ng pera nila. Ayon sa mga kausap kong pulis-Maynila, P8 milyon ang ginastos ng mag-asawa para sa naturang sasakyan. Kasya ang P140 milyon sa naturang armoured van.

Ang EdZen money changer shop ang pinakamalaki sa ngayon sa buong bansa kaya’t natural lang na mag-iingat ang may-ari ng naturang negosyo. Kamakailan lang, nakidnap din ang anak nila sa Baguio City at sa kabutihang palad nakatakas ito na hindi nagbayad ng ransom ang mag-asawa. Ang kumakalat na balita sa Sampaloc, kaibigan ng anak ang may kagagawan ng pagkidnap at nakasuhan na ito sa korte kahit nagsumamo pa ang principal suspect na aregluhin ang kaso. Kung kayo sina Eddie at Zeny, hindi n’yo ba hihigpitan ang security lalo sa panahon ngayon na lumalala ang krimen?

Teka nga pala, totoo ba ang usap-usapan sa Sampaloc na 28 pulis Maynila ang nasa payroll nina Eddie at Zeny?

Abangan!

Show comments