Innocence of Muslims at last temptation of Christ
Naalala ko ang kontrobersyal na pelikula noong 1988 na “The last Temptation of Christ”. Inilalarawan nito ang Panginoong Jesus na ginigiyagis ng malalaswang imahinasyon habang nakabayubay sa krus. Tila ba ito ang defense mechanism niya para maibsan man lang ang matindi niyang paghihirap sa pagkakapako sa krus. Maraming Kristiyano ang nagalit at nagprotesta laban sa pelikula. Aba, natural naman!
Kamakailan, isang maikling pelikula ang kumalat sa YouTube na umaalipusta kay Muhammad na kinikilalang propeta ng mga Muslim. Sa pelikulang “Innocence of Muslims”, inilarawan si Muhammad bilang isang taong hayok sa sex, matakaw at kriminal. Napanood ko ito sa YouTube pero hindi ko na idedetalye. Ayaw ko lang kasing sumulat ng pabor o kontra rito hangga’t hindi ko personal na napapanood. At ngayong napanood ko na, tahasan kong masasabing kontra ako rito.
Hindi lamang ito anti-Muslim kundi un-Christian dahil halos bordering on pornography na.
Dahil Amerikano ang producer ng pelikula, nagalit ang mga Muslim at naghasik ng gulo laban sa mga instilasyon ng Amerika sa Gitnang Silangan na naging dahilan ng pagkamatay ng isang US envoy.
Katig ako sa sinasabi ng ilang Pilipinong Muslim na hindi porke’t kagagawan ng ilang Amerikano ang pelikula, dapat sisihin ang buong pamahalaan ng Amerika. Ngunit naniniwala rin ako na ang pelikulang ito na lumalait sa isang relihiyon ay dapat alisin sa YouTube para huwag nang magtuluy-tuloy ang paghahasik ng ligalig ng mga Muslim. Pati mga inosenteng tao ay madadamay.
Nang ipalabas ang Last Temptation of Christ, bagamat nagalit ang maraming Kristiyano, hindi naman sila gumawa ng karahasan. Pero iba ang kultura ng mga Muslim na handang magbuwis ng buhay at maglunsad ng holy war kapag nilalait ang kanilang paniniwala.
Kung ano si Jesu-Cristo sa ating mga Kristiyano ay gayundin si Muhammad sa mga Muslim. Pero ang pelikulang ito’y nasa cyberspace na at kung hindi ito aalisin ng sino mang nagpaskel nito, wala tayong magagawa kundi manawagan alang-alang sa ikatatamo ng kapayapaan sa mundo.
- Latest
- Trending