EDITORYAL - Mabubuting janitor at kutsero
ANG ipinakitang kabutihan at katapatan ni Ronald Gadayan, isang janitor sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakapulot ng isang bag na may P600,000 noong Setyembre 3 ay tinularan na. Ginaya si Ronald ng kutserong si Jaime Mayor na pinarangalan noong Biyernes ng National Parks Development Committee (NPDC) dahil sa ipinakitang katapatan sa pagsasauli ng wallet na may 4,000 Euros o katumbas na P200,000. Ang may-ari ng wallet ay isang babaing French.
Ayon kay Mayor, 48, kutsero ng Castillan Carriage and Tour Services, sumakay sa kanyang kalesa dakong alas-diyes ng umaga noong Setyembre 12 ang apat na babaing French malapit sa monumento ni Dr. Jose Rizal at hiniling na ipasyal sila sa paligid ng Luneta. Pagkaraan umano ng 15 minutong pag-ikot sa Luneta, bumalik muli sila sa may monumento ni Rizal.
Masayang nagbabaan ang apat na turista makaraan siyang bayaran ng P200. Nagtungo na ang mga ito sa bus na naghihintay sa kanila. Hanggang sa mapansin ni Mayor ang makapal na wallet na naiwan sa upuan ng kalesa. Hindi na umano siya nag-isip ng kung ano pa at mabilis na hinabol ang apat na turista. Pasakay na umano ang mga ito sa bus. Ibinigay niya ang wallet. Sa tuwa ng may-ari, niyakap umano siya nito. Kahit na umano nakasakay na sa bus ang apat ay kinakawayan pa rin siya ng mga ito bilang pagkilala sa ipinamalas na kabutihan at katapatan ng kutsero.
Hindi naman nalingid sa namumuno ng National Parks Development Committee ang ginawa ni Mayor. Noong Biyernes ay ginawaran siya ng Dangal ng Rizal Park Award. Pinagkalooban siya ng bust ni Jose Rizal bilang trophy, isang Makabayan watch at P20,000.
Nang interbyuhin si Mayor sa isang radio program, sinabi niya na hindi dapat angkinin ninuman ang hindi kanya. Naniniwala umano siya na kung ano ang ginawa niyang kabutihan sa kapwa ay babalik din sa kanya. Si Mayor ay kumikita umano ng P200 isang araw.
Sina Ronald Gadayan at Jaime Mayor ay nararapat na tularan. Sa hirap ng buhay ngayon, maaari nilang angkinin ang natagpuang pera pero hindi nila ginawa. Sana, tularan sila ng ilang opisyal ng gobyerno na wala nang iniisip kundi ang kumulimbat sa salapi ng bayan at wala nang panahon para maglingkod.
- Latest
- Trending