'Malaysia backdoor trafficking'
HUMAN TRAFFICKING ang isa sa pinakabinabantayan ngayong krimen sa Pilipinas.
Itinuturing na kasi ang ating bansa na “hotbed” ng mga illegal recruiters na nambibiktima ng mga kabataan at kababaihan. Modus nila ang manghikayat ng mga posibleng biktima na naghahangad ng hanapbuhay o mas malaking kita sa pamamagitan ng mapagtatrabahuhan sa dayuhang bayan.
Subalit sa kasalukuyan, hindi lamang ang mga target na biktima ang pinupuntirya ng mga dorobong recruiter sa bansa. Upang mas madaling makuha ang loob at makumbinsi ang mga babaeng inaalok nila ng trabaho sa ibang bansa, unang nililigawan ng mga kolokoy ang kani-kanilang pamilya at kamag-anak.
Ito ang naranasan ng dalawa sa mga dalagang bik tima ng human trafficking sa Malaysia, kung saan matatagpuan ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga babaeng nabibitag ng sindikatong sangkot sa krimeng ito.
Lumapit sa BITAG ang kanilang mga pamilya upang humingi ng tulong upang mapauwi na ang kanilang mga anak. Inakala ng dalawa sa kanila na pagiging waitress ang naghihintay na trabaho sa pag-alis nila ng bansa.
Subalit huli na nang malaman nilang kalakaran ng sariling katawan ang negosyo na kanilang pinasok. Hindi nila magawang makaalis dahil ginigipit sila ng mismong Malaysian employer na nagtago ng kanilang mga pasaporte at iba pang dokumento.
Dahil dito agad na nakipag-ugnayan ang BITAG sa Department of Justice Inter-Agency Council Against Trafficking, Department of Social Welfare and Development, International Criminal Police Organization at National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division.
Matapos makuha ang lahat ng impormasyon sa eksaktong lokasyon at kinaroroonan ng mga biktima, agad na ikinasa ng grupo ang isang rescue operation. Kamakailan lamang, tumulak ang mga operati-ba sa pangunguna ni DOJ-IACAT Chief Atty. Jonathan Lledo para sagipin ang mga dalaga.
Panoorin kung ano ang kinahinatnan ng mga dalagang biktima ng human trafficking sa Malaysia sa BITAG bukas ng gabi sa TV 5.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa [email protected] o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyer-nes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
- Latest
- Trending