Imbes na harapin ang lumalalang kriminalidad sa Metro Manila, ang pitsa ang pinagkakaabalahan ng grupo ng kalalakihan na ang binabanggit ay ang pangalan ni Highway Patrol Group (HPG) chief Supt. Leonardo Espina. Nag-iikot sa gambling at beerhouse operators ang mga kalalakihan, sa pangunguna ng isang alyas William, para sabihin na sila na ang kukuha ng lingguhang intelihensiya ng gambling lords at beerhouse owners umpisa Setyembre 5. Ipinamalita pa ng tropa ni William na si Espina ang papalit kay NCRPO chief Dir. Allan Purisima sa Miyerkules. Kung magsalita si William, parang nag-text na si P-Noy kay Espina na siya na ang NCRPO chief. Hindi naman lingid sa kapwa niya PNP officials sa Crame na si Espina ay ka-textmate ni P-Noy. Imbes na merit at fitness ang magiging basehan ni P-Noy para magtalaga ng hepe ng NCRPO, text lang pala. Dapat mag-text din ang iba pang kandidato sa puwesto ng NCRPO para mapansin din sila ni P-Noy.
Subalit hindi tugma sa “matuwid na daan” ni P-Noy ang ginagawa ng tropa ni William dahil maliwanag na baluktot na daan ang tinatahak ng mga bataan ni Espina. Kapag nakarating ito sa kaalaman ni P-Noy maaa-ring magbago ang ihip ng hangin at mapurnada pa ang designation niya. Lumalabas kasi na pitsa lang ang lakad ng tropa ni Espina, di ba mga suki? Higit sa lahat, wala pang order mula kay PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome kung sino ang ipapalit kay Purisima na magiging No. 4 man na ng PNP mula Setyembre 5 sa araw nang pagretiro ni Dep. Dir. Gen. Art Cacdac. Nakita kaya ni William ang text ni P-Noy kay Espina kaya nag-aapura na palitan ang bagman ni Purisima na si Jun Bernardino?
Maliban kay Espina, kandidato rin sa NCRPO sina Dir. Felipe Rojas, chief ng Directorate for Research and Development (DRD), Chief Supt. Marcelo Garbo ng
PRO7 at Chief Supt. Edgardo Ladao ng PRO3.
Kung nangunguna ang pangalan ni Espina sa lis tahan na isinumite kay P-Noy, maa-ring mabago pa ang ihip ng hangin dahil sa pagkatalaga kay DILG sec. Mar Roxas. Kung iniatang ni P-Noy kay Roxas ang pagpatakbo ng PNP, aba dapat sagradong bata niya ang ilalagay sa NCRPO dahil ito ang unang appointment niya sa PNP pag nagkataon. Sinabi ng mga kausap ko na hindi ka-textmate ni Roxas si Espina kaya maaring may semplang pa siya. Kung sabagay, hindi maganda ang simula nitong tropa ni William na maaring magiging dahilan para mabulilyaso ang appointment ni Espina sa NCRPO. Kaya ang payo ko sa tropa ni Espina, trabaho muna at tiyak darating ang pitsa!
Abangan!