Kailangan nang maghigpit!
UMIINIT ang debate ukol sa pagbabawal ng paggamit ng mga plastic na bag. Ang Quezon City ay naglilimita na sa paggamit ng plastic bag sa mga grocery, palengke at tindahan. Kailangang bayaran ang plastic bag na gagamitin kung walang dalang sariling bag. Hindi pa ganun kalinaw ang sistema at patakaran, kaya “trial run” muna bago ipatupad sa Oktubre, katulad ng ginagawa sa Muntinlupa City at Pasig City.
Natural, umaangal ang ilang malalaking pabrika ng plastic sa patakaran, at sinasabi na hindi sagot ang lubusang pagbabawal sa paggamit ng mga plastic bag. Ang mga plastic bag ang sinisisi sa pagbabaha sa lungsod dahil nagbabara lamang sa mga kanal, estero, sapa at ilog. Pero katwiran naman ng mga pabrika ng plastic, matagal nang bawal ang plastic sa Muntinlupa at sa Pasig, pero nagbabaha pa rin noong matinding ulan-habagat! Katwiran pa ng mga pabrika, mga puno naman ang kailangang putulin para lamang sa papel na gagamitin para sa mga bag ng mga grocery at palengke.
Ngunit hindi maitatanggi na ang plastic ang mga nasa basurahan at tambakan. Ang mga basurang nakuha sa Manila Bay ay pawang plastic! Nandun na ako na ang kailangan ay ang wastong pagtapon ng basura sa mga takdang lugar, para magamit muli. Pero kailangan na rin nating tanggapin na hindi lahat ay natuturuan. Sa totoo nga, marami ang ayaw naman makinig o matuto. Para sa kanila, ang basura ay basura na pwedeng itapon kahit saan. Kung ang plastic na pinagbalutan ng kendi o pinaglagyan ng softdrink ay tinatapon kahit saan, sa harap pa ng mga pulis na tila wala rin namang pakialam, paano maipatutupad ang wastong pagtatapon ng ba sura? Kung sa maliit ay hindi na masundan, paano pa sa malaki? Kadalasang basura na nagkalat sa kalye ay mga pinagbalutan ng pagkain, bote ng mineral water at styrofoam?
Kailangan magsimula na ang paghihigpit. Multa at parusa na ang kaila-ngan para sumunod ang tao. Kundi, marami talaga ang walang pakialam. Ganun talaga ang kaugalian ng mga Pilipino. Kailangang parusahan dahil kadalasan ay walang kusang kalooban. Lalo na pagdating sa basura!
- Latest
- Trending