Ulat sa oil overpricing, sobrang atrasado na
MATAPOS ang sunud-sunod na price rollbacks nu’ng Abril-Hunyo, umaangat na naman ang oil prices. Sa diesel P5.88, at sa gasolina P7.15 kada litro ang itinaas nu’ng Hulyo. Mahigit P2.30 pa ang idinagdag sa dalawa nitong Agosto. At sinasabi ng mga eksperto, patuloy pa itong tataas sa mga darating na linggo.
Sa kabila nito, nasaan na ang ipinangako ng gobyerno na pag-aaral kung overpriced nga ng dayuhang oil companies ang diesel at gasolina? ‘Yan ang tanong ng Ibon research group sa binuo ng Malacañang na Independent Oil Price Review Committee.
Matatandaang binuo ang IOPRC nu’ng simula ng taon para imbestigahan ang mga ulat ng pag-o-overprice ng mga higanteng kumpanya ng langis. Matapos ianunsiyo nu’ng Mayo na 60-70% ng pagsusuri ay tapos na, anito na lalabas ang final report nu’ng Hulyo. Pero dumaan ang buwan nang walang pahayag mula sa IOPRC. Bali-balita na hindi ito makapangalap ng papeles para mapabulaanan ang kuwento ng mga kumpanya ng langis na walang nagaganap na overpricing.
Sana hindi binuo ng Malacañang ang IOPRC para panlito sa isyu ng presyo ng diesel at gasolina. Isa kasing estilo sa executive branch na kapag naiipit ang pamunuan sa isang isyu ay bumubuo ito ng komite na taga-aral kuno. Pero kalaunan ay ipakakalimot na sa publiko ang usapin.
Nu’ng 2009 sa ilalim ng administrasyong Arroyo, bumuo rin ng independent audit council para sa oil companies. Naging konklusyon lang nito na ituloy ang oil deregulation. Pero, anang Ibon, hindi naman nito sinuri ang pagmamanipula ng presyo ng langis mismo ng mga malalaking nangangalakal nito sa mundo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending