Maraming krimen sa Pasay

NOONG nakaraang linggo, tatlo ang napatay sa isang barilan sa F. Victor St., Bgy. 61 sa Pasay City. Sumunod na napatay ang isang kapitan ng pulis at sumunod na araw, isang pawnshop naman ang sinalakay ng Martilyo gang. Dumadami ang krimen sa Pasay City subalit mukhang wala namang interes si Mayor Tony Calixto para masawata ito. Kung sabagay, sinabi ng mga kausap ko na 30 kaso ng pagpatay ang nangyari sa Pasay mula noong Enero. At karamihan sa mga kaso na ito ay may kinalaman sa droga. Kahit malakas ang ugong kung sino ang nasa likod ng mga kasong patayan, wala namang ginagawa si Mayor Calixto at ang hepe ng pulisya na si Sr. Supt. Melchor “Batman” Reyes, na pinili pa ni NCRPO chief Dir. Alan Purisima, ayon sa mga kausap ko. Tanong ng mga taga-Pasay, “Nasaan ang mga pulis natin Mayor Calixto Sir?”

Ayon sa mga kausap ko, ang mga pulis ay nasa lansa-ngan. Subalit, hindi ang mga kriminal ang hinahabol nila kundi ang mag-orbit sa mga video karera ni Boy Salazar. Sa halos lahat ng barangay ng siyudad, may tatlong video karera si Boy Salazar kaya’t hayan, tumaas ang kriminalidad sa Pasay. At hindi natitinag ang video karera operation ni Boy Salazar dahil bagyo siya hindi lang kay Calixto kundi maging kay Reyes, na laging laman ng mga beerhouse sa Roxas Blvd. Nasa likod din ng video karera operation ni Boy Salazar sina Maj. Premor at Jun Bernardino, na ayon sa mga kausap ko ay mga bata rin ni Purisima. Aber, sino ang babangga sa mga puwesto ni Salazar at Estela kung mabibigat ang kapit nila?

Ang F. Victor St. ay nagmistulang “war zone” mula nang mapatay ni Junior Asin si PO3 Joey Salazar. Pagdating ng gabi, maagang nagsarahan ng kani-kanilang mga bahay ang mga residente. At ang naiwang gumagala sa kalye ay ang tropa ni alyas Bhor, ang siga sa lugar na kung malasing ay ang gatilyo ng baril ang paboritong laruan, anang mga kausap ko. Si Bhor ay may apat na bodyguard na armado ng mahahabang baril. Hinahanting nila palagi ang mga alipores naman ni Junior Asin. Alam kaya ni Mayor Calixto ang ginagawa ni Bhor? Siguro, anang mga kausap ko na nagsasabing palagi sa opisina ni Calixto si Bhor. Ano kaya ang papel na gagampanan ni Bhor para kay Calixto sa darating na May election. Abangan!

Show comments