Big 'Bam' sa Aug. 21
GUGUNITAIN sa Agosto 21 ang araw ng kabayanihan ni Ninoy Aquino. Bukod sa paggunita sa araw ng kanyang kamatayan, isa pang big event ang magaganap: Ang deklarasyon ng kandidatura sa pagka-senador ng kanyang pamangking si Paolo Benigno “Bam” Aquino IV.
Painit nang painit sa paglipas ng mga araw ang tinatawag na political fever sa ating bansa. Palibhasa’y kulang na sa isang taon at eleksyon na naman kaya marami na ang pumupustura.
Mayroon na raw bendisyon at “go-signal” si Bam ng kanyang pinsang si Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III na kumandidato sa bandila ng Liberal Party. Aprobado naman umano sa ibang kasapi ng partido ang paghirit sa politika ni Bam. Si Bam ay anak ng nakababatang utol ni Ninoy na si Paul Aquino.
Naisulat ko na kamakailan ang pagtakbo ni Bam. Napag-alaman ko na inulan ng maraming endorso ang kanyang kandidatura na pinangungunahan ni Tony Meloto, founder ng Gawad Kalinga. Mabigat na endorso ito sapagkat si Meloto ay isang kinikilalang civic leader at pasimuno ng Gawad Kalinga na nagtatayo ng mga tahanan at buong komunidad para sa mga mahihirap sa ating bansa.
Pareho sila ng adhikain ni Bam na nakilala naman sa pagtaguyod ng Hapinoy Community Program na ang layunin ay tulungan ang mga may-ari ng mga sari-sari stores sa buong kapuluan na mapalago ang kanilang munting negosyo sa pamamagitan ng training program, pagkonekta sa kanila sa mga wholesaler and manufacturer ng iba’t ibang uri ng produkto at pagbigay ng tulong pinansiyal sa pagpalago ng kapital.
Wika ng mga iba pang nag-endorso nakatutuwa na ngayon pa lang kahit walang kaugnayan sa gobyerno si Bam ay may nagawa na siyang serbisyo sa bayan. Nawa, palaring maluklok sa Senado ay mas marami pa magagawa upang matulungan ang ating mga maralitang kababayan.
Positibo din ang pagtanggap kay Bam ng kabataan na nagha-hanap ng bata at bagong mukha na may bagong adhikain, pananaw at kakayahan.
- Latest
- Trending