MUKHANG nagkakabuwelo na ang utos ni President Aquino na tanggalin na ang lahat ng nakabara sa waterways sa Metro Manila, dahil ito ang pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagbaha. Pati mga mayor ay nagsasalita na rin na ililipat na nila ang informal settlers na nakatira sa tabing ilog. Pero hangga’t hindi pa ginagawa, hindi ako kumbinsido. Tandaan, eleksyon sa darating na taon.
Itinanggi naman ng Palasyo na mali ang pagkaintindi ng iba, pati media, na gagamit daw sila ng pampasabog para matanggal ang mga bahay kung hindi aalis. Sino ba naman ang gagawa nun, maliban na lamang kung diktador? Nasa Pilipinas tayo at wala sa North Korea o Iran, kung saan ang gobyerno ang masusunod kahit ano pa ang sabihin ng tao.
Pero hindi na dapat pinagtatalunan kung kailangang tanggalin ang mga bahay sa mga daanan ng tubig. Ginawa ang mga iyan para daanan ng tubig, hindi para tayuan ng bahay o negosyo. Mahirap bang intindihin iyon? Kaya nga tayo binabaha ay dahil barado sa basura, bahay at iba pang istraktura ang waterways!
Tama ang pamahalaan na dapat tanggalin na ang mga nakabara sa waterways. Ang dapat gawin ng gobyerno ay hanapan na nang maayos na lugar kung saan ililipat ang mga pamilyang nasa tabing ilog, estero at kanal. Lahat nang ‘yan ay dapat nang umpisahan at wala nang debate pa. Nasa kalagitnaan tayo ng tag-ulan. Sigurado may isa o dalawa pang bagyong dadating na magbubuhos ng matinding ulan sa Metro Manila. Ilang delubyo ang kailangan nating daanan bago magawa ang utos ng presidente?