EDITORYAL - Bahasura
MAPAMINSALA ang baha. Nagwawasak ng ari-arian at pumapatay ng tao. Kapag ang baha ang nanalasa, walang malakas na tao o matibay na istruktura. Itutumba at lulunurin ang lahat nang madaanan. Walang sinasanto at pinatatawad.
Pero sa kabila na mapaminsala ang baha, naglalantad naman ito nang mga katotohanan sa buhay ng tao. Dahil sa baha kaya nalantad ang walang disiplinang pagtatapon ng basura. Nakita na naman kung gaano karami ang basu-rang itinapon ng mga tao. Muling ibinalik ng baha ang basurang itinapon. Karamihan, sa mismong harapan o sa loob pa ng bahay ibinalik ng baha ang mga basura. Ga-bundok na basura ang iniiwan ng baha.
Makaraan ang baha noong Martes, tambak na basura ang nakatambak sa maraming barangay sa Marikina. Isa ang Marikina sa grabeng sinalanta ng baha. Ayon sa report, ang nakuhang basura sa Bgy. Tumana, isa sa grabeng tinamaan ng baha ay limang tonelada. Bukod sa Tumana, 15 pang barangay sa Marikina ang nagtambak din ang basura at maaaring abutin umano ng isang buwan bago tuluyang maalis o malinis ang mga basura.
Sa Bgy. Tatalon, Quezon City malapit sa Araneta Ave. nagtambak din ang basura. Lahat nang klaseng basura ay inanod ng baha at tinambak sa kalsada. Ang basurang itinapon ng mga walang disiplinang mamamayan ay ibinalik din sa kanila at may bonus pang putik.
Sa Maynila, suki na ang Roxas Blvd. na tambakan ng basurang iniluluwa ng alon mula sa Manila Bay. Isang malaking basurahan ang Manila Bay ng mga bayan, probinsiya at siyudad na nakapaligid: Cavite, Bataan, Laguna, Navotas, Malabon at Maynila. Mahigit umanong 100 trak ng basura ang nakuha sa Roxas Blvd. noong manalasa ang bagyong “Gener”.
Kailan matututo ang mamamayan sa tamang pagtatapon ng basura? Ilang bagyo pa at habagat ang kailangang manalasa bago magkaroon ng leksiyon. Nararapat nang gumamit ng kamay na bakal ang pamahalaan para mapasunod ang mamamayan sa maayos na pagtatapon ng basura. Kung walang basura, walang tatangayin ang baha. Hindi na mararanasan ang bahasura!
- Latest
- Trending