Umiyak ang langit

Umiyak ang langit at ito’y lumuha

iniluha nito ay ulang sagana;

Kaya lumaganap ang baha sa bansa

tao at pananim ang nangapinsala!

Wala namang bagyo, malakas ang hangin

na siyang naghatid ng ating hilahil;

Ang maraming lugar nitong bansa natin

nagmistulang dagat sa ulang dumating!

Ilang araw tayong binasa ng langit

na para bang tayo’y Kanyang ninanais

Na magbagumbuhay at tayo’y maglinis –

ng ating konsensyang marumi at putik!

Ang patak ng ulan parang di hihinto

kaya nahirapan ang maraming tao’t

Marami ang tubig na bumagsak dito

halos lahat tayo ay nasa delubyo!

Ang delubyo noong panahon ni Noah

ginusto ng Diyos at Kanyang ginawa;

Dahil sa nakitang ang tao’y masama

ginunaw ng Diyos daigdig na luma!

At ngayong bago na ang ating daigdig

itong Amang Diyos bahagyang tumangis;

At sapagka’t Siya’y ama ng pag-ibig

Ilang araw tayo na Kanyang tinikis!

Kaya hindi bagyo kundi hangin lamang

sa ati’y nagdulot ng saganang ulan;

Waring nagsasabing RH Bill kailangan

nitong buong bansang tao’y di mabilang!

Sa dami ng taong nasa ating bansa

nababahala na ang Poong Dakila;

Nagbabawas Siya’y hindi nga lang bigla

na ang ginagamit landslide at baha!

Mga mambabatas, kapwa Katoliko

ngayon ang panahon na mag-isip tayo;

Itong ating bansang sobra na sa tao –

huwag nang dagdagan ang anak at apo!

Kung magpapatuloy ang ating pagdami

basura’t kriminal dito’y maghahari;

Parusa ng Diyos – baka ang mangyari:

hindi na uulan, araw man o gabi!

Show comments