'Modus ng Moda'
PANGUNAHING pangangailangan sa mga eskwelahan, opisina at iba pang ahensiya ang pagkakaroon ng uniporme. Sinasalamin kasi ng uniporme ang imahe at ang maayos na organisasyong kinabibilangan ng isang indibidwal.
Pero papaano kung ang unipormeng inaasahan ay hindi na napasakamay ng mga nagpagawa nito?
Ito ang reklamong inilapit sa BITAG ng isa sa mga empleyado ng isang pharmaceutical company sa Makati City.
Kuwento ng nagrereklamong empleyado sa BITAG, nakatanggap ang kanilang kumpanya ng isang fax letter mula sa isang nagpakilalang patahian ng uniporme, ang Moda Manila. Kumpara sa iba, ang Moda Manila ang may pinakamababang alok na presyo ng serbisyo.
Kaya naman mula sa lahat ng mga patahiang nagpresentang magtahi ng uniporme para sa kanilang mga empleyado, ang Moda Manila ang napili ng kanilang opisina.
Hindi naman sila nabigo dahil agad na tumugon ang napiling patahian at nagpadala ng representante na magsusukat sa kanilang mga empleyado.
Matapos ang pagsusukat, nagbayad na ang kanilang kumpanya ng paunang bayad na umabot sa mahigit P40,000. Pero lumipas na ang ilang buwan at wala pa rin ang inorder na uniporme ng kanilang kumpanya.
Upang masiguro kung totoo ang mga paratang sa nasabing patahian, kilos prontong pinuntahan ng BITAG ang address ng patahian sa Sta. Ana, Manila. Subalit pagdating namin sa lugar, wala na ang Moda Manila.
Ang siste, matagal na palang modus ng Moda Manila ang magpaasa ng kanilang mga kliyente.
Sa oras na makuha ang kalahati ng orihinal na napag-usapang halaga ng pagpapatahi ng uniporme, estilo ng mga dorobo na takbuhan na ang kanilang trabaho. Kinumpirma ito ng mismong Kapitan ng bara-ngay kung saan dating matatagpuan ang Moda Manila.
Dahil bukod sa kumpanyang lumapit sa BITAG, marami nang naunang mga reklamo sa kanilang barangay mula sa mga opisinang naloko na rin ng Moda Manila.
Abangan sa susunod ang mga tips para maiwasang mahulog sa modus ng mga manggagantsong patahian tulad ng Moda Manila…
- Latest
- Trending