EDITORYAL - Sige, kasuhan ang mga mandarambong
KARANIWAN na lang ang balita na may mga man darambong sa pamahalaan. Noon pa man, marami nang mandarambong. Mula sa nasa itaas na pinuno, pababa ay talagang may nandadam-bong sa kaban ng bayan. Kanya-kanyang kawat at kanya-kanyang silid sa bulsa. Kung ang nasa itaas ay nagnanakaw, siyempre gagayahin ng mga nasa ibaba. Yung iba na ayaw mandambong at nakokonsensiya pa, sa katagalan ay natatangay na rin. Kaya, nagmistulang cancer na ang katiwalian sa maraming tanggapan ng pamahalaan. Nakakapit na sa buto ang cancer ng katiwalian na mahirap nang matanggal, liban na lamang kung may isang pinuno na seryosong durugin ang mga mandarambong na wala na yatang kabusugan.
Abalang-abala ang Aquino administration sa pag sasampa ng kaso sa mga opisyal ng nakaraang Arroyo administration. Pawang pandarambong ang isinasampang kaso. Umano’y wala nang dadami pa sa mga kasong pandarambong na kinakaharap ng mga dating opisyal ng dating Arroyo administration. At maski mismo si dating President Gloria Macapagal-Arroyo ay kabilang sa mga sasampahan ng kasong pandarambong. Hindi pa nalulusutan ng dating presidente ang kaso ukol sa election fraud ay eto at pandarambong naman ang kakaharapin niya. May kaugnayan sa PCSO anomaly kung saan nalustay umano ang P366 milyong pondo.
Kung sa PCSO ay may kinulimbat, mayroon din naman sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor). Umano’y P258-million ang ibinayad ng Pagcor sa coffee supplier. Sangkot sa anomalya si dating Pagcor Chairman Ephraim Genuino at tatlo pang opisyal.
Noong nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni President Aquino, binanggit na niya ang tungkol dito, “Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong: nakakatulog pa po ba kayo?”
Habulin at kasuhan ang mga nandambong sa kaban ng bayan. Mas gusto ng taumbayan na makitang maparusahan ang mga nagsamantala. Gawin ang mga sinasabi para makumbinsi ang mamamayan na seryoso ang administrasyong ito.
- Latest
- Trending