Itapon sa Basilan
KAHIT itinapon na ni DILG secretary Jesse Robredo sina PO2 Joselito “Bebit” Aguas at PO1 William Cajayon sa Basilan, sangkaterba pa rin ang scalawags na pulis sa kalye ngayon. Kapag naitapon lahat sa kangkungan ni Robredo ang mga kotongero, manunumbalik ang tiwala ng sambayanan sa PNP. Ang pangongotong ang isa sa dahilan kaya mababa ang pagtingin sa mga pulis. Hindi pa dapat palakpakan ang ginagawa ni Robredo dahil kauumpisa pa lang niya.
Sabi ng mga kausap ko, dapat habulin din ni Robredo ang mga tong kolektor na sina Ver Navarro sa Maynila na dating gumamit ng pangalan niya; Arnold Sandoval, Mike Pornillos, Jojo Cruz ng NPD, Molly Acuna ng IG SOG, SPO1 Jing Acenas ng QCPD Station 4 na ginagamit din ang DILG at IG; SPO2 Arnel Cruz sa CIDG at mga sibilyan na sina Jerry Salacot at alyas Nardo at Arthur.
Itapon din ni Robredo sa Mindanao ang mga pulis samantalang ang mga sibilyan ay dapat kasuhan. Si Navarro ay may record na kay Robredo, samantalang si Acuna ay kailan lang pinaimbestigahan ni Robredo subalit back to circulation na. Sina Sandoval, Pornillos at Cruz ay mga Doberman sa area nila. Si Cruz kahit sa CIDG naka-assign ay ginagamit ang pangalan ni QCPD director Chief Supt. Mario de la Vega sa pangongolekta ng lingguhang intelihensiya sa Quezon City. Si Acenas naman ang Doberman ni Supt. Mendoza ng Stn. 4 sa QCPD at protector siya ni Lito Molitor, ang financier ng lotteng at iba pang sugal sa sakop ni Mendoza. Sina Nardo, Jerry Salacot at Arthur ay matagal nang na-ngongolekta para sa DILG subalit nang mang-raid ang taga-DILG ng nakaraang mga araw, hindi sila lumutang. Isama na rin ni Robredo na itapon sa Mindanao si Maj. Daniel at Supt. Mendoza para masabing hindi small fry lang ang kaya niya.
Abangan!
- Latest
- Trending