Inampon ang anak ng asawa
MARAMING manliligaw si Norma pero ang gusto niya ay mga foreigner kaysa kapwa Pilipino. Kaya sa kabila na maraming Pinoy na manliligaw, sa isang Kano siya umibig. Ipinadala ang Kano sa Pilipinas ng kompanyang pinapasukan. Ipinakilala ng mga kaibigan ni Norma ang Kano sa kanya at dahil nasa parehong sirkulo ang negosyong kanilang ginagalawan, hindi nagtagal ay silang dalawa na ang laging magkasama. Nagkaroon ng relasyon ang dalawa hanggang sa mabuntis si Norma at magkaanak ng isang lalaki na pinangalanang Carlito. Sa malas naman ni Norma, inabandona silang mag-ina ng Kano at bumalik sa kanyang bansa.
Si Norma ang klase ng babae na hindi madaling sumuko kaya pagkaraan nang maikling panahon, balik na naman si Norma sa sirkulasyon. Muli ay nakakilala na naman siya ng isang foreigner, isang European, na ang pangalan ay Rudolph. Nabigyan na si Rudolph ng “permanent residence” sa Pilipinas at nagtayo na siya ng sariling negosyo rito. Muling umibig si Norma kay Rudolph. Pero ngayon ay natuto na siya ng leksiyon kaya sinigurado niya na pakakasalan muna siya ni Rudolph bago siya magmahal nang todo. Kaya natuloy ang pagpapakasal nina Rudolph at Norma. Talagang totoo ang pagmamahal ni Rudolph sa kanya dahil gusto pa nga ng banyaga na ampunin ang kanyang anak na si Carlito kahit isang Kano pa ang ama nito.
Isang taon matapos ang kanilang pagpapakasal, ang mag-asawang Rudolph at Norma ay nagsampa ng petisyon sa korte para pormal na ampunin si Carlito, 2 taong gulang noon. Hindi sila pinagbigyan ng Juvenile Court. Ayon sa korte ay hindi puwedeng ampunin ng isang banyaga ang batang Pilipino. Tama ba ang korte?
MALI. Hindi porke isang banyaga ay hindi na puwedeng mag-ampon sa Pilipinas. Ang diskuwalipikasyon lang ayon sa ating Civil Code ay kung ang mga banyaga ay (1) nonresidents o hindi residente ng Pilipinas; (2) residents o mga banyagang naninirahan/residente ng Pilipinas pero mas pinili ng ating gob yerno na putulin na ang pakikipag-ugnayan sa kanilang bansa. Si Norma bilang tunay na ina at si Rudolph na madrasto ng bata ay natural na kuwalipikadong mag-ampon ng anak na si Carlito ayon sa batas (Art. 338(1) & (3) of the Civil Code). Ang layunin nila sa pag-ampon ay ang pagtibayin ang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng legalidad sa pagiging anak ng mag-asawa kay Carlito na isang bastardo o anak sa labas. Kasi pagkatapos ng pag-ampon ay magiging tunay na anak na ang bata sa batas at sa mata ng lipunan at magkakaroon na siya ng lahat ng karapatan ng isang tunay na anak alinsunod sa Art. 341 ng Civil Code (Malkinson vs. Agrava, 54 SCRA 66).
- Latest
- Trending