^

PSN Opinyon

'Buy bust o Kalawit?'

- Tony Calvento - The Philippine Star

“Droga? Kinalmutan ko na! Kaya tinigil ko. Ultimo brief ‘di na ‘ko makabili!”, ito ang sabi ni Atong tungkol sa kanyang dating buhay.

“Naranasan mong ma-torture. Malagyan ng supot ang mukha. Painumin ka ng tubig hanggang lumobo ang tiyan mo?” pangisi-ngising sinabi ni Eduardo ‘Atong’ Rosario ng Aglipay St. Brgy. Poblacion, Mandaluyong City.

Aminado siyang naging alipin siya dati ng shabu. Pinahirapan umano siya ng mga pulis para magturo ng mga malalaking ‘tulak’ at gumagamit.

Ngayon hindi niya maatim na ang mga kapatid namang si Roberto alyas ‘Pipoy’ 25 na taong gulang at Eulla alyas ‘Elay’ 27 na taong gulang ang ‘kinalawit’ dahil sa droga.

Hunyo 27, 2012 lumapit sa aming opisina ang mag-amang Atong at Eugenio Rosario para humingi ng tulong.

Hunyo 26, 2012 alas-4 ng hapon gumarahe ng pinapasadang dyip si Atong para kumain. Sa ‘di kalayuan nakatambay ang kapatid na si Pipoy at si Gilberto ‘Gibe’ Gorospe sa may Apec’s Salon. Pahingi-hingi umano ito ng barya sa mga kapwa drayber pambili ng yosi at alak.

Ilang sandali isang kulay puting ‘van’ ang huminto sa kanilang harapan. Kutob ni Atong mga pulis na miyembro ng Drug Enforcement Unit o (DEU) na naka sibilyan ang mga bumaba. Inumangan umano ng baril si Pipoy at pwersahang isinakay sa loob.

Mabilis namang nakatakbo ang kasama. “P*%@ngina ka Gibe Buenas ka talaga!”, sigaw umano ng isang pulis.

Umikot ang van hanggang tumagos sa pang-apat na tulay sa looban ng Aglipay St. nang matyempuhan sa isang tindahan si Elay.

Papunta umano ito sa ‘San Lazaro Hospital’ para magpabakuna dahil sa kagat ng aso nang biglang kinuha itong si Pipoy. Hinawakan si Elay sa braso ng isang pulis na naka-dilaw na damit.

“Ituro mo kung nasaan si Ricky!”, sabi umano ng isang pulis kay Elay. Sa isang ‘video clip’ sa cellphone ipinakita sa amin ni Atong ang eksena sa tapat umano ng bahay ni Ricky “Ilong” Romero, 38 na taong gulang. Pilit pinalalabas si Ricky dito.

Ayon kay Atong posibleng sa loob ng van ay pinipilit na ipaturo si alyas “Ricky” bilang ‘palit ulo’ kay Pipoy.

Hunyo 28, 2012 bumalik ang mag-ama at ibinalitang hindi pa rin nai-‘inquest’ sina Pipoy at Elay.

Hunyo 29, 2012 isinagawa ang ‘Inquest Proceedings’  sa Mandaluyong City Office of the Prosecutor  kaugnay sa paglabag ni Elay sa Section 5, Art. II of RA 9165 (Pagbebenta ng Ilegal na Droga); at paglabag ni Pipoy sa Section 11 Art. II of RA 9165 (Pagmamay-ari ng Ilegal na Droga).

Ayon sa ‘Investigation Data form’, Hunyo 26, 2012—7 ng gabi, isang impormante umano ang nakipag-ugnayan sa kanilang tanggapan at sinabing isang alyas ‘Elay’ ang nagbebenta ng shabu sa nasabing lugar. Agad umano silang nakipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA).

Nagsagawa sila umano ng ‘surveillance’ ngunit hindi nasumpungan si Elay kaya’t ipinagpabukas ang operasyon.

Lumalabas sa salaysay ng mga arresting officer na Hunyo 27, 2012 ng alas-4:45 ng hapon ay nagsagawa umano ng ‘by bust operation’ ang SAID-SOTG (Station Anti-Illegal Drugs- Special Oprations Task Group)  sa ‘backside’ ng Aglipay St. at doon nahuli umano sa akto na nagbebenta ng shabu si Elay.

Samantala, walang nakasaad na salaysay tungkol sa kung paano nahuli si Pipoy. Wala ring reklamong nakasaad sa hinuli na si Ricky.

Dalawang ‘sachet’ umano ng shabu at ang tatlong daang pisong ‘marked money’ ang nakuha kay Elay. Nagpanggap umano na bibili ng shabu ang impormant at si PO1 Saupi.

Itinanong umano ng impormant kung magkano kay Elay. “Kasang tres” daw ang halaga. Iniabot umano ni PO1 Saupi ang 300 pisong ‘marked money’ at hinawakan si Elay sa braso. Hudyat na ‘nakabili’ na.

Pinabulaanan ni Atong ang nilalamang salaysay.

Ipinangangamba ngayon ng pamilya ang kundisyon umano ni Pipoy sa kamay ng mga pulis. Noong Hunyo 29 nadalaw ng kapatid na si Eliza si Pipoy. May sugat raw ito sa tainga at bugbog ang laman sa likuran ng hita.

Hindi nila nagawang maipagpaalam itong maipa-medico legal dahil pinagpasa-pasahan umano sila sa opisina. Nais nilang makapagsampa ng ‘Illegal Detention’ laban sa mga DEU na dumampot sa dalawa.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwentong ito ni Atong at Eugenio.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, galit kami sa mga taong nagbebenta ng droga. Ang mga gumagamit naman ay dapat ma-‘rehabilitate’. Maaring hindi nga malinis ang mga kamay ng mga taong “hinuli” ng Mandaluyong Police DEU, at kilala silang sumisistema sa lugar nila. Ang ipinaglalaban namin dito ay ang tamang proseso (“due process”) na nakapaloob sa ating Konstitusyon. “It is enshrined in our Constitution that no person shall be deprived of due process in law”, iyan ang nakasaad sa ating Bill of Rights. Malinaw sa sinumpaang salaysay ng mga arresting officers ng mga akusado na sina PO2 Manuel at PO1 Saupi, na naganap ang umano’y ‘buy bust operation’ nung Hunyo 27, 2012 ganap na 4:45 ng hapon. At bilang patunay ay pinapirmahan nila ang kanilang imbentaryo kay Brgy. Kagawad Noel Viray nung hapon ding ‘yon. At kinabukasan, Hunyo 28, 2012—9:25 ng umaga, dinala sa Crime Laboratory ng Marikina ang ebidensya at lumabas sa resulta na positibong metamphetamine hydrochloride (“shabu”) ito.

Kami mismo ang makakapagpatunay na nasa tanggapan namin sila ng umaga ng Hunyo 27, 2012 at inirereklamo na ang pagkakadampot sa magkapatid.

Alas 3:00 nagsisismula ang aming programa sa radyo at nakapanayam namin ang City Prosecutor ng Mandaluyong na si Augustus Solis upang tanungin kung nakarating na sa kanilang tanggapan ang kaso nila Pipoy at Elay.

Paano nangyari ito Sr. Supt. Arman Bogalin? Nauna ang reklamo ng pamilya bago sila inaresto?

Hindi mo pwedeng sabihing ‘typographical error’ lamang ang pinag-uusapan sa sinumpaang salaysay nitong dalawang pulis pati na rin itong pinirmahan ni brgy capt. Viray. Ang ibig mong sabihin Sr. Supt. Bogalin, nahulaan nila lahat ang mangyayari kinabukasan!? Kaya isang araw bago sila dinakip, nagreklamo na sila? Kung talagang minanmanan nila ang magkapatid na ito, ‘di sana gramu-gramo ng shabu ang nakuha at hindi 0.3 gms lamang ang kanilang nabili. Ang lahat ng binabanggit ko ay isang ‘technicality’ na maaring gamitin ng mga akusado sa isang malawakang paglilitis.

Bago mangyari ‘yon buwan ang kailangang bilangin na sila’y nakakulong sa Mandaluyong City Jail.

Bilang tulong binigyan namin sila ng referral kay Prosecutor Romeo Galvez—ang Program Director ng Dept. of Justice Action Center. Ang ginawa ng DOJAC, ini-refer ang aming sulat kasama ang mga litrato ni Roberto(Pipoy) kay Hon. Secretary Leila Delima upang masampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga arresting officers ng Mandaluyong PNP. Kaugnay ito sa pang-aaresto at umano’y pananakit sa kanila ng mga ito. Inatasan ni Sec. De Lima si Atty. Rodolfo Alora, officer-in-charge (OIC) ng Public Attorney’s Office (PAO) Mandaluyong para isampa ang mga kaukulang reklamo.

Sa aking personal na opinyon, mas malapit sa katotohanan na ang mga ito’y kinalawit. Dumaan ang ilang araw bago sila na-‘inquest’ dahil pinipiga pa nila ang mga ito na pangalanan ang mas malaking ‘drug supplier’ para sa isang ‘palit ulo’.

(KINALAP NI PAULINE VENTURA) Sa gustong dumulog ang a­ming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Follow us on twitter: Email: [email protected]

ATONG

ELAY

HUNYO

ISANG

LSQUO

PIPOY

UMANO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with