Naging malungkot ang bansa
PUMANAW na ang hari na katatawanan! Mabuhay ang hari ng katatawanan! Matapos ang ilang linggong pakiki-paglaban ni Dolphy sa sakit, sumakabilang-buhay na ang pinaka-kilalang tao, pangalan at mukha sa Pilipinas! Ilang henerasyon ang pinatawa ni Dolphy! Sa totoo lang, mga bagong panganak lang siguro ang hindi kilala si Dolphy. Puro alaala ang nasa isip ko ngayon. Mga imahe ng mga sine at palabas sa TV na nakasama ko sa paglaki, pati na nang makapasok ako sa industriya ng broadcasting.
Nagluluksa ang buong bansa para sa hari na pumanaw. Tunay na mas malungkot ang bansa ngayon. Ayaw nating isipin na mangyayari ito, pero nasa kamay ng Diyos naman talaga ang buhay nating lahat. Ika nga ng anak niyang si Eric, naging mas masayang lugar ngayon ang langit dahil sa pagdating ni Rodolfo Quizon! Magsaya na rin tayo na tapos na ang kanyang paghihirap, at makakapahinga na. Magpasalamat na rin para sa lahat ng kanyang ginawa para sa buhay ng lahat ng Pilipino, at para sa industriya. Magpasalamat para sa lahat ng tinulungan niya, at pinasaya niya kahit sa mga panahon ng paghihirap at kalungkutan.
Hindi na magkakaroon ng isang Dolphy. Kahit saan pa tayo maghanap. Kaya maraming salamat, Tito Dolphy, at paalam. Paalam na sa entablado mo dito sa mundo, at yakapin naman ang nasa langit!
* * *
Pumanaw si Dolphy na hindi nakamit ang opisyal na karangalan bilang National Artist. Sayang naman. Hindi ko rin alam kung anong mararamdaman kung ngayon pa ibibigay ang karangalan na iyan. Para sa akin, mas maganda sana kung alam ni Tito Dolphy mismo, at siya mismo ang makatanggap ng parangal.
Pero sa puso at damdamin naman ng buong bansa, siya ay tunay na National Artist! Kaya ang mamamayan na lang ang magbibigay ng karangalan sa kanya! Tiyak na makikita ito sa mga darating na araw. Mas may halaga naman ang opinyon nang marami, kaysa sa opinyon ng iilan, di ba?
- Latest
- Trending