Paggamit ng cell phone habang nagmamaneho
NOONG Miyerkules, isang bus ang bumangga sa railings ng EDSA-Ortigas flyover pati sa katabi nitong poste ng MRT-3 na nagresulta sa pagkasugat ng walong pasahero. Ayon sa mga pasahero, nagti-text ang driver ng bus habang nagmamaneho.
Marami nang ganitong mga pangyayari kung saan nagti-text o tumatawag ang drayber ay nagaganap ang aksidente. Kaugnay nito, ipinupursige ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Bill 872 (An Act Regulating the Use of Mobile/Cellular Phones While Driving).
Ayon kay Jinggoy, kailangan ang buong atensiyon at konsentrasyon sa pagmamaneho dahil ang anumang maging pagkakamali rito ay maaaring mangahulugan nang kapahamakan hindi lang sa driver kundi pati sa mga pasahero, publiko at sa mga ari-arian. Gayunman, puwede pa rin aniyang makagamit ng cell phone ang mga nagmamaneho kung kailangan talagang gawin at kung may sapat silang accessory. Alinsunod sa panukala, papayagan lang na gumamit ng cell phone ang mga nagmamaneho sa mga sumusunod na pagkakataon: 1) Kung magre-report sila ng nakita o kinasangkutan ni- lang emergency situation sa mga kaukulang otoridad tulad ng alagad ng batas, health care provider, fire department o mga katulad na emergency services entity; 2) Kung sila mismo ang gumaganap ng trabaho o tungkulin bilang emergency services professional at iko-coordinate nila sa iba pang otoridad ang pangyayari; at 3) Kung sila ay gagamit ng hands-free accessories sa cell phone.
Kapag naging batas, ang mga lalabag ay pagmumultahin ng hanggang P10,000 o kaya ay makukulong nang hanggang isang taon. Ang hakbangin ay makatutulong upang maiwasan ang road accidents.
* * *
Birthday greetings: Mayor Demosthenes Arabaca ng Magallanes, Agusan del Norte (July 6) at Bishop Isabelo Abarquez ng Calbayog, Samar (July 8).
- Latest
- Trending



















