Depensa ni Miriam; Dilemma ni De Lima
MIRIAM. Pinagbibitiw na ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. si Senator Miriam Defensor-Santiago. Walang personalan. Inaapura lamang ang pag-resign ng senadora nang hindi magkaproblema sa printing ng balota para sa PCOS machines.
Ang paghirang kay Santiago bilang Hukom ng International Criminal Court (ICC) ay napakalaking kara-ngalan para sa Pilipino. Tanggap natin na isusurender ni Santiago ang puwesto sa Senado oras mag-umpisang manungkulan sa ICC sa Netherlands. Kung kailan siya mag-uumpisa ay depende kung kailan siya kakailanganin. Pansamantala’y obligado pa rin si Santiago na ipagpatuloy ang serbisyo sa mataas na kapulungan bilang kinatawan ng milyon milyong botanteng nagtiwala sa kanya.
Anumang interes ng Comelec na huwag maperwisyo ang trabaho ay hindi hihigit sa interes ng bayan na patuloy na pakinabangan ang kontribusyon ni Santiago. Kung merong nasisiyahan sa kanyang pagbitiw, higit na marami ang nalulungkot at umaasa na kung maari’y manatili at tapusin ng senadora ang katungkulang kinontratang gampanan. Ako man ang malagay sa posisyon ni Santiago, maiinsulto ako sa suhestyon na agahan ang pagbitiw na para bang may diskresyon akong basta na lang talikuran ang sinumpaan.
LEILA. Maging ang mga kakampi ng administrasyon, kabilang na ang Majority Leader ng House of Representatives na si Rep. Neptali Gonzales II, ay nabigla sa paghirang at pagtanggap naman ng nominasyon ni Justice Secretary Leila de Lima bilang posibleng Chief Justice.
Si De Lima ang nanguna sa pagtalikod sa respeto sa kautusan ng Supreme Court nang binale wala ang TRO sa kaso ni GMA. Sa impeachment trial ay namayagpag ito
sa sapilitang pagpatalsik kay CJ Renato Corona. At mismong ang kanyang status bilang kalihim ay kwestyonable dahil 8 times na itong by-passed ng Commission on Appointments. Nasaan daw ang delikadeza?
Sa lahat ng eleganteng kwalipikasyon ni De Lima, malungkot at pumapangibabaw ang usaping kawalan ng delikadeza kapag napapag-usapan ang kanyang kandidatura. Masisisi ba naman ang tao gayong ganito ring kahigpit na pamantayan ang ipinilit kay Corona?
- Latest
- Trending