'Hold-up'
KARAMIHAN sa ating mga Pilipino tinatangkilik ang mga pampublikong sasakyan gaya ng jeep, bus, FX at iba pa.
Kaya naman ang mga dorobo, sinasamantala ang pagkakataong makapambiktima sa mga pasaherong parokyano nito.
Makailang beses na tayo nakabalita ng iba’t ibang modus sa mga pampublikong sasakyan.
Pinakamatandang modus na siguro sa mga ito ang panghohold-up na hanggang sa ngayon ay kinatatakutan ng karamihan.
Isang tipster ang nag e-mail sa BITAG kaugnay ng pang hohold-up sa mga FX Taxi sa bahagi ng Baclaran.
Narito ang ilang bahagi ng kanyang e-mail sa BITAG
Good day po! Isusumbong ko lang po sana yung mga holdaper dyan sa Baclaran... Nabiktima po kami …sa loob ho ng FX byaheng Sucat... Ang nangyari po eh sumakay sila sa tapat ng Baclaran Church at nung medyo nakakalayo na ho ang FX at umaandar sa bandang gitna ng Baclaran at Uniwide sa may stop light kung saan wala masyadong tao, nilock na po nila yung pinto at nagdeclare ng holdap ang dala lang po nila eh panaksak.. Kinuha na po mga gamit namin laptop at cell phone dala rin ho ang bag... sa may stop light po papuntang Coastal bumaba yung dalawa at may tinatawagan po yung isa na pipick up sa kanila...
Walang pinipiling araw o oras ang mga dorobong hol-daper, kung sino ang kanilang maispatan at makasabay sa sasakyan, siya nang magiging kawawa nilang biktima.
Bago tuluyang magdeklara ng hold-up ang mga kolokoy, malikot ang mga mata ng mga ito.
Tinitingnan at inuusisa kung anu-ano dala at maaari nilang manakaw sa kanilang mga prospect victims.
Kadalasan ring magkakasamang sumasakay ang mga dorobo pero hiwa-hiwalay kung pumwesto sa sasakyan mapa-jeep, taxi o bus man ito.
Maging alerto at mapagmasid sa iyong paligid at pakiramdamang mabuti ang iyong mga katabi kung ayaw mong maging isa sa susunod na biktima ng mga holdaper sa mga pampublikong sasakyan.
- Latest
- Trending