EDITORYAL - Sagwang tingnan ang pulis-taba
BUKOD sa marami ngayong pulis na gumagawa ng kabuktutan (karamihan ay PO1 at PO2) marami na ring pulis ang matataba o obese na tila pinabayaan sa kusina. Napakasagwang tingnan ng pulis na namumutok ang asul na uniporme dahil malaki ang tiyan. Nakakahiya rin na makita ang mga matatabang pulis na mababagal kumilos at hindi na halos madala ang kanilang katawan. May negatibong epekto kapag nakakita ng matabang pulis at ang agad pumapasok sa isip ay malakas “mangotong”, “manghulidap” at iba pang raket.
Nakaka-shock ang report na 6,253 pulis na naka-assigned sa Camp Crame, 3, 283 sa mga ito ay matataba. Kalahati ng mga pulis sa mismong PNP Headquarters ay mga obese. Kakahiya ito. Hindi ba’t dapat ngang ang mga pulis na nasa HQ ang dapat maging halimbawa ng iba pang mga pulis sa buong bansa.
Paano maipagtatanggol ng mga pulis sa Crame ang punong tanggapan, kung pauyad-uyad dahil sa katabaan ang kalahati ng kanilang bilang. Hindi rin sila maaaring makipaglaban sa masasamang loob sapagkat mauunahan sila sa putukan. Tiyak na mabagal silang kumilos.
Nangamba si PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome sa report. Akalain ba niyang ang mga kasamahan niya sa Crame ay pawang matataba. Kaya ipinag-utos na mag-attend ng fitness exercises ang mga pulis sa loob ng isang oras. Noong nakaraang Biyernes, pinangunahan ni Bartolome ang pagja-jogging sa loob ng Crame. Ayon kay Bartolome, isasagawa ang fitness program para sa mga matatabang pulis pagkatapos ng office hours para hindi maapektuhan ang kanilang trabaho.
Kung maraming pulis-Crame ang matataba tiyak na marami rin sa buong organisasyon. Baka lalong ma-shock ang mamamayan dahil sa mas marami pa palang matataba. Kapiranggot lamang ang bilang ng nasa Crame. Ipatupad ni Bartolome ang kautusan. Masagwang pagmasdan ang tabatsoy na pulis.
- Latest
- Trending