NABUKSAN na naman ang isyu tungkol sa mga pulis na namimintog ang tiyan. Hindi ko na matandaan kung kanino administrasyon pero lumutang na ang usaping iyan noong araw.
Ipinailalim sa physical fitness program ang mga pulis-tabatsoy para lumiit ang tiyan at malagay sa wastong kondisyon ang katawan. Effective naman dahil sa loob lang ng ilang buwan, wala ka nang makikitang alagad ng batas na parang lobo ang mga sikmura.
Pero tila madaling makatulugan ang programa. Ilang panahon pa ang nagdaan at hayan na naman, naglipana na naman ang mga bundat na pulis. Ayon sa statistics ng PNP, umaabot sa 3 libo ang mga police officers na sobra ang katabaan kaya ipinasya ni Bartolome na buhayin ang slimming program ng PNP.
Mabuti naman at napansin ito ni PNP Chief, Director-General Nick Bartolome. Katulad noong araw, sasailalim sa physical fitness program ang mga pulis na matataba para papayatin at ikondisyon ang katawan. Ang hindi makakapasa ay sisibakin. Pero sana Director Bartolome, magtuloy-tuloy ang programa at huwag makakatulugan maging ng sino mang PNP chief na papalit sa iyo.
Kailangan ay balingkinitan at matipuno ang katawan ng pulis dahil sa dalawang dahilan: Ang pulis na nakausli ang sikmura sa tingin ng madlang tao ay nangungulekta ng tong at; ang pulis na malaki ang tiyan ay hindi puwedeng humabol sa mga tumatalilis na kriminal.
Sa ilalim ng physical fitness program na aariba sa PNP, sinabi ni Bartolome na ang hindi makakapasa ay sorry na lang, sisibakin. Importante para sa isang pulis
na physically fit siya katulad ni Chief Bartolome na ang hubog ng katawan ay akmang-akma para sa isang tagapagpatupad ng batas.
Ang regular na fitness program at isasagawa sa Camp Crame tuwing Martes at Huwebes mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi upang maging physically fit sa kanilang mga trabaho ang mga pulis.
“Being fit shows the public that we are more than ready to do our mandate” ani Bartolome. Buweno, hinahangad ko ang tagum-pay ng “biggest loser” program ng PNP.