'Palit-bato'
KAKAIBANG kalakaran sa pagkuha ng droga ang tampok at mapapanood sa BITAG mamayang gabi sa TV 5.
Sa pakikipag-ugnayan ng BITAG sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP Special Weapon and Tactics Regional Special Operations Group, pinagplanuhan ang isasagawang assault sa isang subdibisyon sa Bulacan.
Kilala ang target na lugar na pinamumugaran ng mga taong lulong at gumagamit ng iligal na droga.
Ayon sa intelligence ng PDEA, binubuo ng mga pamilyang na-relocate sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ang komunidad.
Kaya naman iba’t ibang uri ng tao ang makikita sa lugar bukod pa sa mga dumarayong parukyano ng droga.
Mismong asset ng PDEA ang nagkumpirma na hindi problema sa nasabing lugar ang suplay ng droga.
Subalit kung wala nang perang pambili ng droga, dito na pumapasok ang estilong trade-in o mas kilala sa bansag na “palit-bato” sa kalakaran ng pagbenta ng droga.
Ang siste, kapalit ng isang pot session ang anumang gamit na may malaking halaga tulad ng cell phone, appliances at iba pang personal na gamit.
May mga pagkakataon na kapag nagkaubusan na ng pera at gamit, maging sariling katawan ay inaalok na.
Karaniwang kababaihang lulong sa droga ang gumagawa ng ganitong estilo ng kung tawagin naman ay “palit-puri”.
Pero kahit lantaran na sa nasabing lugar ang ganitong uri ng kalakaran sa bentahan ng iligal na droga, walang ginagawang aksiyon ang hepe ng presinto sa kanilang komunidad.
Eksklusibong ang BITAG muli ang napili ng PDEA na magdokumento sa operasyong ito.
Maaksiyon, mapanganib at umaatikabo. Panoorin ma-mayang hatinggabi pagkatapos ng Pilipinas News sa TV5.
- Latest
- Trending