DAPAT magkaroon ng malinaw na polisiya at patakaran sa pagresponde ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa mga labor dispute. Ito ang iginiit ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Alinsunod sa Article 263 ng Labor Code, may kapangyarihan ang Labor secretary na mag-assume ng hurisdiksiyon sa ilang labor dispute kapag nakikitang lumalalim ang di-pagkakasundo ng employer at mga empleyado. Isinasaad ng batas na sa ganitong pagkakataon, puwedeng ipatigil ng DoLE ang strike ng mga empleyado gayundin ang hindi pagbibigay ng trabaho ng employer, at atasan ang mga empleyadong naka-strike na bumalik sa kanilang trabaho.
Pero may mga pagkakataong naaakusahan ang DoLE na umaabuso umano sa kapangyarihan nito kaya nasisikil ang karapatan ng mga manggagawa laluna sa pamamagitan ng kanilang unyon na resolbahing direkta sa employer ang kanilang problema.
Dahil dito, inisponsor ni Jinggoy ang Senate Bill 3210 (Workers’ Rights to Peaceful Concerted Activities) na magtatakda ng “clear-cut policy and guidelines” kung kailan lang puwedeng manghimasok ang DoLE sa mga labor dispute at ito ay sa mga sumusunod na sitwasyon: 1) Kung ang labor dispute ay sa industriya ng “essential services” tulad ng ospital, transportasyon o suplay ng tubig at kuryente; 2) Kung humingi ng tulong ang dalawang panig (employer at manggagawa) sa DoLE upang resolbahin ang kanilang di pagkakasundo; at 3) Kung ang strike ay malawak at matagal, at maaaring magdulot ng masamang epekto sa buhay, kalusugan at kaligtasan nang maraming tao.
Ayon kay Jinggoy, kasabay ng pagpapalakas ng kakayahan ng DoLE sa pagresponde sa mga labor dispute ay dapat ding igalang ang karapatan ng mga manggagawa sa paglulunsad nang mapayapang pagkilos sa paggigiit ng kanilang interes.
* * *
Birthday greetings: Au-xillary Bishop Francisco de Leon ng Antipolo (June 11).