Editoryal - Kapos sa classroom
ANG magandang balita sa pagbubukas ng klase kahapon: Sapat ang textbooks, mga silya, mga blackboard at walang nangyaring kaguluhan sa mga paaralan. Ang hindi magandang balita: Kapos sa classroom! Yes! Kung ano ang problema sa mga nakaraang pagbubukas ng klase, ganito pa rin ang nararanasan ngayon. Nagsisiksikan sa classroom ang maraming estudyante at tila walang magawa ang mga teacher kundi tiisin ang may 50 estudyante na kanyang tuturuan. At least, hindi naman kulang sa silya. Iyon nga lang, baka hindi na maipasok ang 50 silya sa classroom dahil sobrang siksikan na.
Mas marami umano ang mga estudyante nga-yon sa publikong eskuwelahan. Ayon sa Department of Education (DepEd), mahigit sa 20-milyong estudyante ang nagbalik eskuwela kahapon. Nga-yong school-year din nagsimula ang K+12 na sistema ng edukasyon kung saan ay limang taon ang high school. Ang mga first year high school ngayon ay tinatawag na Grade 7. Umano’y malaki ang maitutulong ng sistemang ito para ganap na maihanda sa kanilang pagpasok sa kolehiyo ang mga nasa high school. Pero sa aming paniwala, dagdag taon lang na pahirap sa mga estudyante at magulang ang K+12. At sa aming paniwala, dagdag din sa pagsisikip ng mga estudyante sa public school. Sa halip na mabawasan, lalo pang dumami ang mga estudyante at wala namang magawa ang DepEd para madagdagan ang mga classroom.
Ngayong marami nang sinimulang eksperimento ang DepEd, mas mainam kung ang pag-eeksperimento sa paggawa nang maraming classroom ang umpisahan. Mas mapapabilis ang pag-angat ng talino ng mga estudyante sa public kung nasa tamang dami sa classroom. Kung ang mga estud-yante ay nasa 30 sa isang classroom, mas mapagtutuunan sila ng pansin ng teacher at magagaba-yan sa pag-aaral. Mas marami sa classroom, mas wala silang malalaman o matututuhan. Malaking hamon ang problema sa kakulangan ng classroom kay Secretary Armin Luistro. Sa susunod na school year kaya, wala nang ganitong problema? Babantayan namin ito.
- Latest
- Trending