NAGKAISA ang karamihang Senator Judges na hatulan ng “guilty” si Chief Justice Renato Corona. Welcome development para sa marami ang guilty verdict.
Para sa akin ang tunay na malaking isyu ay hindi ang conviction at pag-abswelto kay Corona kundi - kung ano mang mangyayari sa administrasyon ni P-Noy kapag nanatili siya sa puwesto bilang Chief Justice. Mas malamang kaysa hindi, magkakaroon tayo ng isang Korte Supremang benggansa ang magiging agenda. Oo nga’t collegial kung magdesisyon ang Korte at sinasabing bawat mahistrado ay may malayang kaisipan. Pero hindi puwedeng maliitin ang impluwensya ng pinuno sa ahensyang pinamumunuan. Natural iyan.
Naniniwala ako na ang buong pamamahala ni P-Noy ay magmimistulang “paralitiko.” Kapag may mga policy pronouncement ang administrasyon na kukuwestyunin ng ibang sector, itataas lang ito sa Korte Supremang pinamumunuan ni Corona at mas malamang na ang pagtutol ay kakatigan ng Korte.
Kabilang sa bumoto ng acquittal sina Sen. Miriam Santiago, Joker Arroyo at Ferdinand “Bongbong” Marcos na ang dahilan sa pag-absuelto ay teknikalidad at di na kinonsidera ang political implications.
Ngunit kung sakaling naabsuwelto si Corona, pinakamarangal na magagawa niya ay magbibitiw para sa kapakanan ng bansa. Iyan naman ay kung nagmamalasakit siyang totoo sa bayan. Wala kasing patutunguhan ang bansa kapag magbebenggahan ang Ehekutibo at Hudikatura.
Ngayon tapos na ang telenobela na sinubaybayan ng taumbayan, sana nama’y magsimula nang umusad sa pag-unlad ang ating Inang-bayan.