BAGO nag-walkout si Chief Justice Renato Corona noong Martes, pinirmahan niya ang isang waiver na nagbibigay ng pahintulot para mabuksan ang kanyang bank account pero ibibigay lang daw niya ang waiver kung pipirma rin 188 mambabatas at si Sen. Franklin sa waiver para mabuksan ang kani-kanilang account. Maraming mambabatas ang pumalag sa hamon ni Corona. Hindi raw sila papasok sa bitag ni Corona.
Kahapon, dumalo na si Corona sa impeachment trial at ibinigay na niya ang waiver sa Senado para mahalungkat ang kanyang bank account. Nananatili namang tutol ang karamihan sa mga mambabatas na pirmahan ang waiver. Hindi raw sila tanga. Nakakatawa raw ang hamon ni Corona. Hindi naman daw sila ang iniimbestigahan kaya bakit sila pipirma. Meron daw tamang venue para sa mga mambabatas kaya hindi dapat pakinggan ang hamon ni Corona.
Kahapon, marami namang mambabatas ang sumang-ayon sa hamon ni Corona para pirmahan ang waiver na nagbibigay ng pahintulot para makita ang kanilang bank account. Karamihan sa mga sumang-ayon ay nagsabing wala naman silang itinatago kaya bakit sila matatakot na tingnan ang kanilang bank account. Ang natatakot lamang daw ay ang may mga itinatago. Kung walang itinatago, walang dahilan para sila matakot.
Ilang senador ang nagpakita ng pagsang-ayon sa ginawa ni Corona na pagpirma at pagsumite ng waiver. Tama lamang daw ang ginawa ni Corona kaya dapat ganito rin ang gawin ng mga mambabatas. Iisa rin ang pahiwatig na walang dapat ipa-ngamba kung wala namang itinatago.
Kung noon pa sinumite ni Corona ang kanyang waiver para makita ang kanyang bank accounts hindi na sana humaba pa ang pagdinig. Matagal nang hinihiling na ilantad niya ang kanyang bank accounts pero wala siyang ginagawa. Wala naman pala siyang dapat itago gaya ng kanyang sinasabi pero pinatagal pa. Pinalampas pa ang apat na buwan bago napagpasyahang payagan na makita ang kanyang bank account. Nakapagtataka ang biglang pagpayag ni Corona pero ang isang nakikita rito, mayroon nang pagpapasya na nababanaag sa darating na linggo. Huhusgahan na siya.