Editoryal - Picture ng sakit na nakukuha sa pagyoyosi, ilagay sa pakete

MARAMI nang bansa ang naglalagay ng gra-phic health warnings sa kaha ng sigarilyo. Ito ay upang makita ng mga naninigarilyo ang mga sakit na nakukuha sa bisyo at magsilbing babala sa kanila. Pero sa kabila nito, ang Pilipinas ay nananatili pa ring walang pakialam sa isyu. Nananatili pa rin na pawang text lang ang nakasaad: CIGARETTE SMOKING IS DANGEROUS TO YOUR HEALTH. Paano kung illiterate ang naninigarilyo? Hindi ito maiintindihan kaya hindi siya titigil o iiwas sa paninigarilyo. Paano kung menor-de-edad ang naninigarilyo?

Walang gaanong dating kung basta teksto lamang ang makikita sa kaha o pakete ng yosi. Nararapat makita ng nagyoyosi kung ano ang kahihi-natnan ng kanyang mga baga (lungs), lalamunan at pisngi kung hindi titigil sa masamang bisyo. Mas madaling maipaunawa ang larawan. Kahit menor-de-edad kapag nakita ang karima-rimarim na lara­wan ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay tiyak na matatakot at bibitawan na ang bisyo.

Tinatayang 240 Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Patuloy pa ang pagdami ng mga naninigaril­yo at ang nakapangangamba, maraming kabataan ang nalululong sa bisyo. Maraming estudyante sa high school ang naninigarilyo. Paano’y pinahihintulutan ang mga vendor na magtinda ng sigarilyo malapit sa school. Wala nang silbi ang batas na nagbabawal sa mga tindahan o vendor na benta-han ang mga menor-de-edad.

Kung tataas pa ang bilang ng mga magkaka-   sakit dahil sa paninigarilyo, malulumpo ang bansa sa paggastos para sa hospitalization ng mga magkakasakit. Lagi nang may mga nakapila sa mga gobyernong ospital para ipagamot ang cancer sa baga, lalamunan, pisngi, at maging ang sakit sa puso. Ang masaklap, kahit ang mga nakalalanghap ng segunda manong usok ng sigarilyo ay nagkakasakit din.

Isulong ang paglalagay ng larawan ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo sa mga kaha o pakete. Hindi dapat manamlay ang mga nagsusulong nito. Dapat mailigtas ang marami sa posibleng pagkakasakit.

Show comments